Tinatayang aabot sa P700,000 ang halaga ng high-grade shabu na nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa isang babaeng drug pusher sa isinagawang buy-bust operation sa San Jose del Monte City, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ni PDEA Director General Arturo G. Cacdac Jr. ang pinaghihinalaang drug pusher na si Mona A. Salanggi, 27, residente ng Barangay Muzon, San Jose Del Monte City, Bulacan.

Si Salanggi ay nasa talaan ng drug personalities ng PDEA Regional Office 3 simula pa noong Oktubre 2015 at kilalang supplier ng shabu sa San Jose Del Monte City.

Base sa report, ganap na 4:40 ng hapon nang maaresto si Salanggani matapos pagbentahan ng 200 gramo ng shabu ang isang PDEA agent sa parking lot ng isang supermarket sa Barangay Muzon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nakapiit ngayon si Salanggi sa detention cell ng PDEA RO3 makaraang kasuhan sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).

Samantala sa Dipolog City, isang kawani ng pamahalaan at dalawa pang kasamahan nito ang natimbog ng mga tauhan ng PDEA sa inilatag na buy-bust operation, kamakailan.

Kinilala ng PDEA RO9 ang mga pinaghihinalaang tulak na sina Zuriel Baes, 24, ng Bgy. Turno, Dipolog City; Medelyn Neff, 34, ng Bgy. Barra, Dipolog City; at Zoram Saldariega, 41, ngGalas, Dipolog City. (Jun Fabon)