Aquino sisters copy

Kung ikaw ay isang turista na nagbabalak mag-ikot sa makasaysayang Intramuros sa Maynila ngayong Miyerkules at bukas, sorry na lang.

Ito ay dahil isasara ng Manila Police District (MPD) ang kilalang tourist destination upang bigyang-daan ang “Walk Through Time” tour ngayong Miyerkules hanggang bukas, para sa mga misis ng 11 state leader na nakikibahagi sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit.

Pangungunahan ng mga kapatid ni Pangulong Aquino na sina Ballsy Aquino-Cruz, Pinky Aquino-Abelleda, Viel Aquino-Dee, at ng aktres at TV host na si Kris Aquino, ang mga misis ng state leaders ay igigiya sa mga makasaysayang lugar sa Walled City na itinayo noong 1574.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Kabilang sa mga inaasahang makikibahagi sa Intramuros tour ay ang mga First Lady ng Singapore, Indonesia, Malaysia, Thailand, New Zealand, Vietnam, Hong Kong at Colombia.

Ayon kay MPD Director Chief Supt. Ronaldo Nana, titigil ang grupo sa tatlong destinasyon: Fort Santiago, San Agustin at Casa Manila, na may inihandang bonggang programa na magtatapos sa Ayuntamiento de Manila, isang gusali na itinayo noong siglo 1600 na dating tanggapan ng konseho ng Maynila.

“Kasado na ang seguridad para sa delegasyon,” tiniyak ni Nana.

Aniya, mayroon ding ilalatag na emergency response team, K-9 unit, area guard at marshal sa lugar.

Aabot din sa 700 pulis ang ipoposte sa Intramuros para sa pag-iikot ng mga misis ng APEC leaders. (KRIZETTE CHU)