IRE-REMAKE pala para sa TV5 ang pelikula ni Kris Aquino noong 1994 na idinirek ni Carlo J. Caparas. Pagbibidahan ito this time ni Shy Carlos na alaga ng Viva Films.
Unang ginawan ng remake ang Tasya Fantasya ni Yasmien Kurdi sa GMA-7 noong 2008 sa direksiyon ni Mac Alejandre na siya rin uling magdidirek sa TV5.
Da who si Shy Carlos?
Kahit marami nang nagawa si Shy sa ABS-CBN, limang beses na siyang napanood sa Maalaala Mo Kaya -- tulad ng “Coma” (2012), “Diploma” (2013), “Wedding Booth” (2013), “Selfie” (2014) at “Eyeglasses” (2015) -- ay hindi pa rin siya masyadong kilala ng televiewers.
Napasama na rin siya sa mga pelikulang A Secret Affair at When The Love is Gone (Viva Films, 2012); Past Tense (Star Cinema, 2014); Para Sa Hopeless Romantic (Viva Films/Star Cinema, 2015) at Chain Mail (Viva Films, 2015) pero hindi pa masyadong nagmamarka sa tao.
Siguro naman sa Tasya Fantasya ay mapapansin na siya.
Itatapat daw ang Tasya Fantasya ni Shy sa Wansapanataym, ang nangungunang fantaserye ng ABS-CBN.
Susme, ilang taon at ilang awards na ang natanggap ng pambatang programang ito ng ABS-CBN, kaya pa bang talunin ito?
Kung sabagay, bilog ang mundo.
Anyway, si Mark Neumann ang napipisil ni Boss Vic del Rosario na maging leading man ni Shy Carlos sa Tasya Fantasya.
Si Mark ay produkto ng Artista Academy at kasalukuyang kasama sa #ParangNormalActivity.
Ang tanong, may season three pa ang #ParangNormalActivity na posibleng umabot pa sa season four, kaya paano hahatiin ni Mark ang oras niya kapag nagsimula nang mag-taping ang Tasya Fantasya. At puwede ba ‘yun na parehong genre ang programa niya?
Wait and see na lang tayo, Bossing DMB. (REGGEE BONOAN)