MAY nagbibiro na kaya raw umatras sina Russian President Vladimir Putin at Indonesian President Joko Widodo sa pagdalo sa 2015 APEC Leaders’ Summit ay dahil sa takot na baka sila ma-“tanim bala” sa NAIA. Hindi naman siguro ganoon. Si Putin ay abala sa problema sa pagbagsak ng isang Russian airliner na ikinamatay ng mahigit 200 tao, samantalang si Widodo ay problemado sa haze na bumabalot sa kanyang bansa.
Naghihinala ang NBI na ang TALABA (tanim-laglag-bala) modus sa NAIA ay posibleng isang sindikato na may anggulo ng “political sabotage” upang hiyain ang PNoy administration para hindi iboto ng taumbayan sina Mar Roxas at Leni Robredo sa 2016 presidential election. Maaari raw na isang sopistikadong plano ang tanim bala racket sa airport upang ma-destabilize ang gobyerno ng solterong pangulo, para pulutin sa kangkungan sina Mar at Leni.
Sinabi ni DoJ Spokesman Emmanuel Caparas na ang NBI investigation ay hindi lang para sa TALABA kundi sa posibleng sabotage at destabilization angle ng mga political rival ni PNoy at ng Liberal Party.
Galit si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa tanim bala scheme sa NAIA, na kagagawan umano mismo ng mga tauhan o kawani nito. Nais ni MDS na susugan ang RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act—mula sa 6-16 na taong pagkabilanggo ay gawing 12-20 taong pagkabilanggo ang parusa laban sa mga nagtatanim ng bala.
Sa panig ni Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo, naniniwala siyang ipagpapatuloy nina Roxas at Robredo ang Daang Matuwid. Tiyak din daw na susugpuin ng Mar-Leni tandem ang kawalang-hiyaan ng mga tauhan sa NAIA, MIAA, OTS, AvseGroup at iba pa na walang habag sa OFWs na kanilang kinikikilan.
Si Asylum, este Asilo, ay vice mayoralty candidate kasama ni ex-Manila Mayor Fred Lim sa ilalim ng Liberal Party.
Mula sa angkan ng mahihirap, siya ang may-akda ng Salary Standardization Law na ang target ay maiangat ang kalagayan sa buhay ng mga dukha at sawimpalad sa pagkakaloob ng makatwirang sahod para sa libu-libong manggagawa o kawani ng pamahalaan.
***
Siyanga pala, narinig o nabalitaan na ba ninyo ang mga haka-haka na kapag nagtagumpay ang mga tao na gustong madiskuwalipika si Sen. Grace Poe, ang papalit para tumakbo ay ang aktres at ina niya na si Susan Roces, na naging pamoso sa mga salitang “You cheated not only once, but twice” nang umano’y dayain si FPJ noong 2004. Ngayon, baka ibulalas niya uli ang “Not only once, but twice” laban sa mga kalaban ni Sen. Grace na gustong madiskuwalipika ang kanyang anak! (BERT DE GUZMAN)