TINAKPAN ng kanyang palad ang sindi ng kandila laban sa buhos ng malamig na ulan, nagtungo ang Syrian refugee na si Ghaled, 22, sa embahada ng France sa Berlin upang magbigay-pugay sa mga biktima ng mga pag-atake sa Paris.
“We are with them right now, just to help them with this crisis. What’s happening to them is happening every day in Syria, 100 times per day for five years, so we know what that means,” sabi niya sa Agencé France Presse.
Si Ghaled ay estudyante ng dentistry sa Damascus, ngunit nagpasyang lisanin ang kabisera ng Syria matapos mawalan ng pag-asa na matutuldukan pa ang karahasang gumigiyagis sa kanyang bayan.
Gaya ng libu-libo niyang kababayan, isinugal niya ang sariling buhay makatawid lang sa Mediterranean sakay ng isang inflatable boat, bago naglakad sa loob ng 17 araw para makarating sa Germany limang buwan na ang nakalilipas.
At sa panahong sinisimulan na niyang magsimulang muli ng kanyang buhay sa pamamagitan ng pagdalo sa mga German language class na inaasahan niyang makatutulong upang maipagpatuloy ang pag-aaral niya ng dentistry, ang mga pag-atake sa Paris nitong Biyernes na ikinasawi ng 129 na katao ay nagpatindi sa kanyang pangamba sa magiging reaksiyon ng mga taga-Europa sa mga Syrian refugee na gaya niya.
Natagpuan ng pulisya ang isang Syrian passport malapit sa bangkay ng isa sa mga suspek at pinaniwalaang ang ilan sa mga salarin ay pumasok sa Europe bilang refugee mula sa Syria.
“It’s a problem,” sabi ni Ghaled, na umapelang huwag husgahan ang lahat ng kanyang mga kababayan, iginiit na ang mga suspek “are not Syrians” at ang pag-uugnay ng pasaporte ng isang Syrian sa krimen ay isang malaking kasinungalingan.
“I think it’s a big lie because all the area is destroyed, and just the passport is still ok? That’s silly, really silly,” katwiran niya, sinabing posibleng peke ang pasaporte o sadyang inilagay sa lugar ng krimen “because they hate refugees... so many people hate Syrians”.
Isa pang Syrian refugee, ang 24-anyos na si William na dumating din sa Germany limang buwan na ang nakalilipas, ang nangangamba para sa kanyang sarili at sa mga gaya niyang refugee.
“Many news speak about Syrians, police find Syrian passport. Of course I’m worried. It’s not good,” anang estudyante ng tourism sa hilagang bayan ng Hama. “Syrians are not terrorists. we need life and peace for work.”
Sinabi naman ni Mouhanad Dawood, na 11 buwan nang naninirahan sa Germany, na nakauunawa ang mga German sa sitwasyon ng mga gaya niya, ngunit nababahala rin siyang magbago ang opinyon ng mga Aleman sa mga refugee kasunod ng trahedya sa Paris.
Sa mga nagdududa sa mga Syrian matapos ang mga pag-atake sa Paris, sinabi ni Dawood: “A terrorist is a terrorist. It doesn’t matter where they come from.”
Kasabay nito, umapela naman si German Interior Minister Thomas de Maiziere na huwag maging mapanghusga sa pag-uugnay sa mga terorista sa mga migrante, at kinumpirmang bago pa man ang pag-atake sa Paris ay may naiuulat nang “appalling scales of attacks against asylum seekers and asylum seeker shelters”.
Gayunman, sa kabila ng mga nangyari nitong Biyernes ay determinado pa rin ang ilang Syrian refugee na nagsisikap pa lang na mapakupkop sa Europa na lisanin ang kanilang bansa at magsimula ng bagong buhay sa rehiyon.
Ayon sa kanila, kaya nilang tiisin ang panlilibak o panghuhusga ng mga European kaysa araw-araw na manganib para sa sariling buhay dahil sa madalas na pag-ulan ng mga bomba sa Syria.