Isang porsiyento lang ng 5,000 film review deputy na itinalaga ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang nagtutungo sa mga sinehan upang panoorin at suriin ang mga pelikula at magsumite ng kani-kanilang ulat sa tanggapan.

Base sa inilabas na performance audit ng Commission on Audit (CoA), lumitaw na 35 lang sa 5,014 MTRCB deputy ang nagsumite ng kanilang ulat hinggil sa mga inilabas na pelikula sa bansa noong 2014.

Ang mga deputy na itinalaga ng MTRCB ay sinala upang matiyak na sila ay “with good community standing” upang makatulong sa ahensiya sa pagkaklasipika ng mga pelikula sa sinehan at programa sa telebisyon.

Sa loob ng isang taon, ang isang cardholder at isang kasamahan nito ay maaaring makapanood nang libre sa alinmang sinehan upang suriin ang isang bagong pelikula.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Subalit ayon sa source, karaniwang ipinamumudmod ang mga MTRCB card sa mga opisyal at empleyado ng Kongreso, Malacañang, media at iba pang kaibigan ng mga kawani ng ahensiya.

“A duly appointed board deputy is accountable to the Board and is obliged to give a report of his activities to the Chairman. To perform his functions, he is issued a deputy card that he can use as pass to enter movie theatres...” pahayag ng COA.

Ang isang MTRCB cardholder ay obligadong mag-inspeksiyon sa lahat ng public exhibition ng alinmang pelikula upang tiyakin na ang mga ito ay sumusunod sa regulasyon ng ahensiya.

Napag-alaman ng CoA na gumastos ang MTRCB ng P248,000 sa pagpapagawa ng mga deputy card at kumita ang ahensiya ng P2,522 sa service income mula sa 5,045 piraso ng ID na ipinamahagi sa mga board deputy. (Ben Rosario)