KUNG sasagila sa administrasyon ang tunay na diwa ng habag at malasakit, nakatitiyak na ang milyun-milyong Social Security System (SSS) pensioners ng P2,000 dagdag sa kanilang buwanang pensiyon. Lagda na lamang ni Presidente Aquino ang hihintayin upang maging batas ang panukala hinggil sa naturang dagdag na biyaya na walang kagatul-gatol na inaprubahan ng mga Kongresista at Senador.

Ang positibong aksiyon ng Kongreso sa naturang panukalang-batas ay nakaangkla sa kakarampot na pensiyon ng SSS pensioners na pawang senior citizens. Hindi sapat ito sa kanilang mga pangunahing pangangailangan, tulad ng mga gamot na nakalulula ang presyo. Katunayan, sila ay umaasa na lamang sa tulong ng kanilang mga mahal sa buhay at sa mga may pusong mahabagin.

Totoong napakaliit na biyaya na tinatanggap ng SSS pensioners, lalo na kung iisipin na malaki-laki rin naman ang kanilang naging kontribusyon sa kaban ng naturang ahensiya ng gobyerno. Mabuti pa ang mga kawani ng pamahalaan at may napipintong dagdag sa kanilang buwanang sahod. Kabilang na rito ang matataas na opisyal ng administrasyon.

Isipin na pati ang monthly pay ni Presidente Aquino ay binabalak na taasan ng mula sa P120,000 upang maging halos P400,000 isang buwan. Hindi ba isa itong patunay ng malaking agwat ng biyaya para sa makapangyarihan at mga kapus-palad?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

At lalong nakalulungkot mabatid na mismong ilang opisyal ng SSS ang ‘tila tumututol sa kakaunting biyaya na dapat namang matikman ng kahabag-habag na retirees. Iminamatuwid nila na ang nasabing dagdag na biyaya ay makaaapekto sa pananalapi ng naturang ahensiya ng gobyerno; at mangangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng susunod na mga pensiyonado. Bakit ‘tila napakabilis ang pagpapatibay nila ng milyun-milyong pisong bonus para sa ilang opisyal ng SSS? Hindi ba ito isang malaking insulto sa mga pensioner na ang karamihan ay nasa dapit-hapon na ng kanilang buhay?

Masyado namang magiging kahabag-habag ang SSS pensioners kung sila ay mistulang maninikluhod kay Presidente Aquino upang lagdaan ang nabanggit na panukalang-batas. Subalit ang kawalan ng habag at malasakit ay tandisang pagpapaikli sa buhay ng mga pensiyonado. (CELO LAGMAY)