BILANG pagkilala sa maayos at mahusay na paghaharap at pagpapatibay ng mga municipal ordinance at resolution para sa kapakanan ng bayan at kabutihan ng mamamayan at laluna sa pangangalaga sa kapaligiran, ang Sangguniang Bayan ay gagawaran ng 2015 Local Legislation Award (LLA) ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region IV-A Calabarzon. Sa isang liham mula kay DILG Region IV-A Director Renato L. Brion, ipinaaabot kina Jalajala Mayor Narcing Villaran at Vice Mayor Elmer C. Pillas na ang Sanggunian Bayan (SB) ng Jalajala ay kabilang sa napiling Outstanding Sangguniang Bayan sa Region IV-A, at pagkakalooban ng 2015 LLA.
Ang Local Legislative Award ay ipinagkakaloob sa mga SB at Sangguniang Panglungsod (SP) matapos ang masusing pagsusuri at pag-aaral ng mga bumubuo ng 2015 Regional Award Committee sa mga pinagtibay na municipal ordinance at resolution ng mga kalahok, at matukoy ang mga dapat bigyan ng pagkilala ng kagawaran.
Bukod sa SB ng Jalajala, kasama rin sa gagawaran ng 2015 Local Legislative Award ang Lucena City, para sa kategorya ng Highly Urbanized City; Dasmariñas City sa Cavite, sa kategorya ng Component City; at General Trias, Cavite para sa kategorya ng 1st class municipality. Ang Jalajala ay nasa kategorya ng 4th class municipality.
Ayon kay Jalajala Vice Mayor Elmer C. Pillas, isang malaking karangalan ng SB ng Jalajala ang makabilang sa mga gagawaran ng 2015 Local Legislative Award ng DILG Region IV-A. Nagpapasalamat siya, ang kanyang mga kasama sa SB, at si Mayor Narcing Villaran sa DILG Region IV-A.
Sa pagkakapili sa SB ng Jalajala, sa SP ng Lucena City, sa SP ng Dasmariñas, at SB ng General Trias, kabilang na ang mga nabanggit na sanggunian sa mga finalist para sa national level na gagawaran din ng pagkilala ng DILG.
Dahil sa mahusay na pamamahala ng lokal na pamahalaan ng Jalajala, dalawang beses na ginawaran ng DILG Region IV-A ng Seal of Good Housekeeping si dating Rizal Mayors’ League President at Jalajala Mayor Ely Pillas. Ang una ay noong 2011, at ang pangalawa ay noong 2012, kasabay ng pagkakaloob din ng Seal of Good Housekeeping sa Rizal provincial government, sa pamumuno ni dating Rizal Gov. Jun Ynares III, at ng Teresa, Rizal. Ginagamit ng DILG ang Seal upang masukat ang pagganap sa tungkulin at antas ng pamamahala sa fiscal management at transparency na nakatuon sa full disclosure ng local budget at finances, at bids at public offerings. Ang Seal ay may kasamang milyong piso. Bukod dito, ang Jalajala ay nasa Hall of Fame na ng DepEd Region IV-A, dahil sa competetive program nito sa “Search For Literacy” o Alternative Learning System (ALS).
Tulad ng pamahalaang panglalawigan ng Rizal at ng 11 bayan sa Rizal, ang LGU ng Jalajala ay kabilang sa ginawaran ng DILG Region IV-A ng 2014 Seal of Good Financial Housekeeping (SGFH) Award noong Marso 2015. (CLEMEN BAUTISTA)