Ikinokonsidera ngayon ng kampo ni Gloria Ortinez na idemanda ang gobyerno matapos siyang mawalan ng trabaho sa Hong Kong bilang kasambahay, bunsod ng pagkakasangkot sa kanya sa “tanim bala” scheme sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kamakailan.
Sinabi ni Spocky Farolan, abogado ni Ortinez, na pinag-aaralan na nila ang mga kasong maaaring ihain laban sa ilang ahensiya ng gobyerno na naging pabaya at inutil sa pagbibigay ng ayuda kay Ortinez nang pagbintangan ito ng pagdadala ng bala sa bagahe.
“Hindi lamang kami magsasampa ng kaso laban sa mga kawatan na bumiktima kay Nanay Gloria, pananagutin din namin ang mga inutil, manhid at pabayang opisyal,” pahayag ni Farolan sa panayam sa radyo.
Tinukoy ni Farolan ang ilang palpak na opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Labor and Employment (DoLE) na dapat aniya’y nagbibigay ng ayuda sa mga OFW, tulad ni Ortinez.
Aniya, wala sa mga naturang ahensiya ang nagbigay ng impormasyon na sinibak na si Ortinez sa kanyang trabaho sa Hong Kong noong Oktubre 30.
“Bakit sa immigration (kiosk) sa Hong Kong airport pa namin nalaman na wala na palang naghihintay na trabaho para kay Nanay Gloria?” tanong ni Farolan.
Noong Sabado, dumating si Ortinez sa Hong Kong kasama si Blas F. Ople Policy Center President Susan Ople at DoLE Undersecretary Ciriaco Lagunzad III upang iapela ang pagkakasibak ng OFW sa kanyang trabaho, matapos ibasura ng Pasay Regional Trial Court ang kasong illegal possession of ammunition na isinampa laban sa kanya.
(SAMUEL P. MEDENILLA)