HINDI magandang pangitain na muling tinututukan ng mundo ang Syria, matapos matuklasan na isa sa mga suspek sa pag-atake sa Paris ay isang Syrian. Ang bakas ng naputol na daliri na natagpuan sa Bataclan concert hall, na roon pinagbabaril ang mahigit 100 concert goer, ay natunton ng files ng pulisya na pag-aari ng isang Syrian na isinilang sa mahirap na komunidad sa Paris na Courcouronnes.
Karamihan sa mga refugee na napakupkop sa Europe ay nagmula sa Syria, na ilang taon nang nahaharap sa digmaan. Sa pagkawala ng lahat ng pag-asa na magkakaroon pa ng kapayapaan sa kanilang bayan, milyun-milyong Syrian ang naglakbay patungo sa Turkey, sa Greece, sa Balkans, sa Germany, sa France, at sa iba pang panig ng Western Europe. Karamihan sa kanila ay buong pusong tinanggap bilang mga biktima ng kawalan ng karapatang pantao na nangangailangan ng matutuluyan, ngunit dahil sa mga pag-atake sa Paris, nagbigay na ng reaksiyon ang ilang bansa sa Europa na kumukupkop sa mga Syrian.
Kahit pa sangkatutak na Syrian refugees na ang naglakbay patungo sa Europe, ilang bansa, sa pangunguna ng United States, Russia, Saudi Arabia, at Iran ang magpupulong sa Vienna, Austria, upang makahanap ng solusyon para tuluyan nang matuldukan ang giyera sa Syria. Isa itong napaka-komplikadong sitwasyon sa apat na bansang ito na hindi magkasundu-sundo kung alin sa naglalaban-laban na puwersa ang lilipulin at alin ang isasailalim sa isang transition government.
Sinusuportahan ng Russia at Iran si Pangulong Bashar al-Assad, habang suportado naman ng Amerika at Saudi Arabia ang “moderates” sa puwersa ng oposisyon. May iba’t iba pang grupong Islam na suportado ng iba pang estadong Arab.
Nariyan pa ang mga mandirigmang kaalyado ng Al-Qaida. At nariyan ang Islamic State, na hindi kumikilala sa alinmang alyansa. Ito rin ang Islamic State na umaming responsable sa mga pag-atake sa Paris.
Mahigit 250,000 katao na ang napatay sa digmaan sa Syria. Nasa 11 milyon naman ang nawalan ng tirahan, karamihan ay naghahangad na makapagsimulang muli sa Europe. Ilan sa kanila ang nakatagpo ng bagong buhay sa France. Umasa tayong hindi masisira ang kanilang mga buhay sa panibagong pag-atake ng mga terorista.
At umasa tayo na ang komperensiya sa Vienna sa pagitan ng Amerika, Russia, Saudi Arabia, at Iran ay magbubunga na ng isang kompromisong kasunduan na magpapanumbalik sa kapayapaan sa Syria. Ang kasunduan—at kapayapaan—ay makatutulong din sa pagbibigay-tuldok sa mga teroristang pag-atake na gaya ng nangyari sa Paris ilang araw na ang nakalilipas.