Nalusutan ng defending champion na National University (NU) ang matinding hamon ng De La Salle University (DLSU) matapos nitong talunin ang huli, 81-74, at mawalis ang double round eliminations kasabay ang pagsukbit ng outright finals berth sa ginaganap na UAAP Season 78 Women’s Basketball tournament sa Blue Eagle gym.
Dahil sa isa na namang dominanteng performance sa eliminations, nahatak ng Lady Bulldogs ang kanilang unbeaten run sa 30 games simula pa noong nakaraang season.
Bukod dito, sasalta sila ng finals na bitbit ang matinding bentaheng thrice-to-beat sahil sa pagkawalis ng double round elims.
Ngunit sa mga naitala nilang record, naniniwala si NU Coach Pat Aquino na hindi pa tapos ang kanilang misyon.
“We have that hunger to do it again and hopefully we can win the championship,” ani Aquino.
Napanatili ng Lady Archers na dikit ang laban hanggang sa payoff period, bago nag-deliver ng mga crucial na tira sina Shelley Gupilan at Andrea Tongco, upang ganap nilang maangkin ang panalo.
“La Salle played really hard, they really wanted to win. But I also give credit to the girls played hard, even without our key player Afril Bernardino,” ayon kay Aquino.
Hindi pinalaro ni Aquino si Bernardino, ang reigning MVP ng liga, bilang bahagi umano ng pagdisiplina dito na hindi na isiniwalat ng mentor ang dahilan.
Nag-step-up naman sa pagkawala ni Bernardino si Risa Paig na siyang namuno sa nasabing panalo sa itinala nitong 18 puntos.
Nagdagdag naman si Kristine Abriam ng 14 na puntos at 10 rebound, habang nag-ambag sina Gupilan at Tongco ng tig-12 puntos para sa nasabing panalo ng Lady Bulldogs.
Nanguna naman para sa Lady Archers, na pumangalawa sa NU sa record na 12-2, panalo-talo, si Ara Abaca na tumapos na may 18 puntos at 14 na rebound.
Naging konsolasyon lamang nila ang bentaheng twice-to-beat sa stepladder semis.
Nakamit naman ng University of the East (UE), sa pangunguna ni Ruthlaine Tacula, na umiskor ng 20 puntos, ang third spot matapos gapiin ang University of Santo Tomas (UST), 68-53.
Tinapos ng Lady Warriors, na naging league surprise package ang eliminations na may record na 7-7, panalo-talo, para makapasok sa unang pagkakataon sa semis simula nang ilunsad ang liga sa Final Four format noong 1994.
Samantala, nakapuwersa naman ang Ateneo ng playoff kontra UST para sa huling Final Four slot, matapos nilang talunin ang Adamson, 55-41, sa pangunguna ni Claire Aseron na nagtapos na may 11 puntos.
Dahil sa panalo ay pumatas ang Lady Eagles sa Tigresses sa fourth place, taglay ang barahang 6-8.
Nakatakdang magtuos ang dalawang koponan bukas, Miyerkules, para sa karapatang makatunggali ang UE sa unang step-ladder semi-finals match.
Marivic Awitan