Isang 38-anyos na karpintero ang natagpuang patay sa loob ng septic tank sa Quiapo, Maynila kahapon, isang linggo matapos siyang maiulat na nawawala, ayon sa awtoridad.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jaime Lozada, residente ng Severino Street, Quiapo, na iniulat na nawawala nitong Nobyembre 7.

Sinabi ng mga opisyal ng barangay na nadiskubre ang bangkay ni Lozada sa loob ng poso negro sa isang abandonadong bahay sa Progreso Street, Bilibid Viejo sa Quiapo, matapos malanghap ng mga residente ang masangsang na amoy sa lugar.

Napag-alaman ni Kagawad Vicente Alvarez, ng Barangay 392, Zone 40, na ang abandonadong bahay ay dating inokupa ng isang Ricky Navas.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Si Navas ay pinaghahanap ngayon ng awtoridad upang magbigay-linaw sa insidente.

Nakabaon pa ang isang balisong sa kanang bahagi ng leeg ni Lozada nang matagpuan siya sa poso negro, ayon kay Senior Insp. Rommel Anicete, ng MPD Homicide Section.

“Lumobo na ang katawan at nakilala lang ito ng kanyang pamilya dahil sa malaking tattoo sa kanyang kanang braso,” dagdag ni Anicete.

Inihayag naman ng mga opisyal ng barangay na kilala si Lozada sa kanilang komunidad na madalas na bangag sa ilegal na droga. (Jenny F. Manongdo)