Umapela ang mga organizer ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa mga motorista at commuter na iwasan ng mga lugar na pagdarausan ng APEC meeting upang makaiwas sa abala, dulot ng pinaigting na seguridad na ipinatutupad ng gobyerno kasunod ng mga pag-atake sa Paris, France nitong Biyernes, na 129 na katao ang namatay.

Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Mel Senen Sarmiento na ipinag-utos na rin ni Pangulong Aquino ang pagpapatupad ng karagdagang seguridad upang maproteksiyunan ang lahat ng foreign delegate na dadagsa sa bansa para sa regional summit.

“Bunsod ng pag-atake sa Paris, ipinag-utos ng Pangulo na ilagay sa heightened level of security ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa mga delegado ng APEC,” pahayag ni Sarmiento.

Pinaalalahanan ni Sarmiento ang publiko na asahan ang pagsisikip ng trapiko sa mga lugar na malapit sa pagdarausan ng pagpupulong.

National

Malacañang, nagpaliwanag sa pag-alis kay VP Sara sa NSC: ‘Not considered relevant…’

“We advise them to, as much as possible, to avoid APEC venues to include all roads leading to these areas,” dagdag niya.

Idinepensa naman ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), ang gobyerno sa inihaing seguridad para sa APEC meeting hinggil sa alegasyong “overkill” ng security preparation.

Aniya, mas mainam na ang nakapaghanda n ang mabuti kaysa abutin ng aberya at iba pang problema.

Kabilang sa mga hakbang na ipinatutupad ng PNP ay ang pagsususpinde sa permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) at suspensiyon ng klase sa lahat ng antas.

Inatasan din ng awtoridad ang mga may-ari ng mga establisimyento na isara ang mga bintana ng kanilang gusali na dadaanan ng convoy ng mga delegado sa APEC meeting. (AARON RECUENCO)