CAGAYAN DE ORO CITY – Nananatili sa puwesto ang sinibak na si City Mayor Oscar Moreno matapos siyang makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Court of Appeals (CA) dakong 4:59 ng hapon nitong Biyernes, halos 24 na oras ang nakalipas matapos pormal na panumpain sa tungkulin sina City Vice Mayor Caesar Ian Acenas at Councilor Candy Darimbang bilang bagong alkalde at bise alkalde ng Cagayan de Oro City.

Inihain ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang “dismissal order” kay Moreno dakong 6:27 ng gabi nitong Huwebes, at nang mga panahong iyon ay nananatili pa sa city hall ang alkalde.

Nitong Biyernes, matapos ang special session ng City Council Special Session upang kilalanin ng mga bangko ang lagda ng bagong mayor na si Acenas, inihayag ng kampo ni Moreno, eksaktong 4:59 ng hapon, na nagbaba ang CA ng TRO pabor kay Moreno.

Kahapon ng umaga, mga operatiba ng City Police Office ang naghanda para manguna sa flag-raising ceremony sa halip na ang alinman sa dalawang alkalde o kinatawan ng mga ito.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ngunit pinayuhan ng DILG si Moreno na pangunahan ang seremonya upang hindi na lumala pa ang tensiyon sa liderato ng siyudad.

Samantala, tumanggi naman si Acenas na tumalima sa TRO at sa patuloy na pamumuno ni Moreno, sinabing huli na ang paglalabas ng TRO dahil nakapanumpa na siya bilang bagong mayor ng lungsod bago pa ito ibinaba ng DILG.

Oktubre 6, 2015 nang inaprubahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagsibak sa tungkulin kay Moreno dahil sa grave misconduct sa pagpasok nito sa isang kasunduan sa Ajinomoto Philippines nang walang awtorisasyon ng Sangguniang Panlungsod. (CAMCER ORDOÑEZ IMAM)