Bunga ng pagpapatupad ng K to 12 curriculum, nanawagan si independent presidential candidate Senator Grace Poe sa Department of Education (DepEd) na repasuhin ang mga patakaran at regulasyon na gumagabay sa Batang Pinoy at sa Palarong Pambansa, mga programang pampalakasan ng kagawaran.

“Sa dagdag na dalawang taon sa ating programa sa high school, ang mga regulasyon sa school levels at maging ang rekisito sa edad, partikular sa Palarong Pambansa, ay dapat nang repasuhin ng DepEd,” ayon kay Poe.

Tinukoy ng mambabatas ang mga kuwestiyon hinggil sa edad, na maaaring mapatunayang kahina-hinala sa darating na panahon, lalo na kung ikokonsidera na maraming bata na biglang lumalaki pagsapit ng edad 15-18.

Ginawa ng senadora ang panawagan bago ang ika-59 na edisyon ng Palarong Pambansa na idaraos sa Albay sa Agosto 2015.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang nabanggit na kumpetisyon, na taunang inoorganisa ng DepEd, ay nilalahukan ng mga atletang mag-aaral, mula sa pribado at pampublikong paaralang pang-elementarya at sekundarya sa buong bansa.

At naaangkop lang ang panawagan dahil sa pagpapatupad ng K to 12 program sa susunod na taon, na papasukan ng unang grupo ng mga estudyante para sa Grade 12.

“Sigurado, maraming record ang mauungusan dahil ang lalahok na mga estudyante ay mas may edad na ng dalawang taon kaysa dating naging mga high school, na inaasahang mas malakas at mas may karanasan kumpara sa dating naglalaro,” wika ni Poe.

Dahil dito, maaaring lumikha ng bagong mga kategorya, o antas ng kompetisyon, ang mga organizer na magpapahintulot sa mga estudyanteng atleta na makipagtunggali sa level ng kanilang tunay na potensiyal.

“Maaaring may antas elementarya at sekundarya ang palaro, pero maaaring baguhin ito at gawing elementary, junior at high school, ang antas ng laro,” paliwanag ni Poe.

“At sa inaasahang biglaang pagtaas ng kalidad ng kumpetisyon dapat na maging handa rin ang DepEd na ipreserba ang mga tala ng nagdaan Palarong Pambansa, para hindi natin malimutan ang naging mga tagumpay ng mga batang [atleta] na nagmula sa mga palarong inorganisa ng DepEd, at naging matagumpay nang sumabak sila sa mas mataas na lebel ng kumpetisyon [ng palakasan].” (MARIVIC AWITAN)