PARIS – Inakala ni Adrien Seguret na paputok lang ang serye ng mga pagsabog na nagpatigil sa kanya, ngunit sa pagsilip niya sa bintana ng kanyang apartment para mag-usisa, nasaksihan niya ang kahindik-hindik na karahasang nangyayari sa Bataclan theatre sa kabilang kalsada.

Maraming tao ang nagtatakbuhan mula sa establisimyento, ang ilan ay nawawalan ng malay dahil sa tinamong sugat mula sa baril, habang sinisikap namang isalba ng ilan ang mga kasamang napalupasay o nasugatan.

Habang nakadapa si Seguret sa kanyang apartment, sa utos ng pulis na bigla na lamang nagkalat sa kalsada, ginawa niya ang pinagkaabalahan ng mga nasa Paris sa mga sumunod na minuto: ang tawagan at mag-text sa mga mahal sa buhay upang matiyak na ligtas ang mga ito.

Ilang bloke mula sa apartment ni Seguret, nanonood ng telebisyon si Jean-Luc kasama ang anak niyang babae nang umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril sa ilalim ng kanyang tirahan, sa may La Belle Equipe restaurant sa Rue de Charonne nitong Biyernes ng gabi.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Agad na ipinasok ng first aid responder ang kanyang anak sa silid, hinablot ang kanyang mga gamit at tumakbo palabas, hindi handa sa karumal-dumal na tanawing naghihintay sa kanya.

Isang araw matapos ang serye ng magkakaugnay na pag-atake na pumatay sa 129 na katao sa Paris, isinasalaysay ng mga saksi ang lumilinaw na detalye sa nangyari sa anim na lugar sa siyudad na magkakasabay na inatake ng Islamic State.

Ang ilan sa kanila ay tulala, habang naluluha ang iba sa pagbabalik-tanaw kung paano nila personal na nasaksihan ang pinakamarahas na pag-atake sa France simula noong World War II.

“I came out and there were all these bodies on the ground,” naiiyak na kuwento ni Jean-Luc.

Ang isa ay may tama ng bala sa braso, ang isa pa ay nabaril sa tiyan. Kumuha siya ng T-shirt at diniinan ang sugat habang naghihintay ng ambulansiya. Labinsiyam na katao ang namatay sa Rue de Charonne.

Kaugnay nito, sinabi kahapon ni Pope Francis na siya ay “shaken” sa inilarawan niyang “inhuman” na pag-atake ng mga terorista sa Paris.

“I am shaken, I don’t understand these things, done by human beings... There cannot be justification, religious or human. It’s inhuman,” emosyonal na pahayag ng Papa nang kapanayamin sa telepono ng TG2000 television.

“I am with all those with suffer, and with France, which I love so much,” dagdag ni Pope Francis.

Pinaniniwalaang dahil sa pag-atakeng ito sa Paris ay paiigtingin ang tugon ng pandaigdigang militar laban sa IS.

Sinabi na ng mga opisyal sa Amerika na makikipag-ugnayan ito sa mga kaalyadong bansa sa Europa at Arab countries upang paigtingin ang opensiba ng militar sa Iraq at Syria. - Toronto Sun, AFP, Reuters