Iginiit ni Senator Gregorio Honasan na dapat isama sa agenda ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit ang madugong pag-atake sa Paris, France, na mahigit 100 inosenteng sibilyan ang nasawi.

Sa isang pahayag, iginiit ng dating opisyal ng Philippine Army na hindi lamang dapat tumutok ang gobyernong Aquino sa isyu ng seguridad para sa mga state leader na dadagsa sa bansa, kundi isulong din ang pagsasama sa nangyaring terrorist attack sa mga tatalakayin sa regional summit.

“The Philippines must be willing and able to take the lead politically, morally, and globally by example, setting aside partisan squabbles and uniting against common enemies of humanity,” giit ng vice presidential candidate ng United Nationalist Alliance.

Samantala,tiniyak ng Palasyo na tuloy ang pagdaraos ng APEC Leaders Summit ngayong linggo kasabay ng tagubilin ni Pangulong Aquino sa publiko na makipagtulungan sa ilalatag na seguridad para sa mga darating na state leader at libu-libong delegado.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr., hindi ikinonsidera ng Pangulo na ipagpaliban ang regional summit, na darating sa bansa ang 19 na state leader, dahil kasado na ang pinaigting na seguridad para sa mga dadalo sa APEC meeting.

“Ang mga tagubilin ng Pangulo ay nasentro sa pagpapaigting ng paghahandang pang-seguridad kaugnay ng gaganaping APEC Economic Leaders’ Meeting sa darating na linggo sa harap ng matinding ligalig bunsod ng Paris terror attacks noong nakaraang Nobyembre 13,” pahayag ni Coloma sa panayam sa radyo. - Genalyn D. Kabiling