Pagbabalik sa dignidad ng mga guro ang adhikain ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa isasagawa nitong kilos-protesta ngayong Lunes.

Ipoprotesta ng mga guro ang panukalang itaas ang sahod ng mga empleyado at opisyal ng gobyerno pero, ayon sa kanila, ay “limos” lang ang para sa mga guro.

Ayon sa TDC, magtitipun-tipon sila sa Mabuhay Rotonda sa Quezon City, kasama ang mga miyembro ng Ating Guro Partylist at Sining ng Ating Guro, habang magsasagawa rin ng noise barrage sa mga paaralan.

Una nang inihayag ni Benjo Basas, TDC national chairperson, na dismayado ang mga guro sa “kakarampot” na umento sa kanila.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Nasaktan kami. Para namang mga pulubi ang turing sa amin, at hindi mga guro. Pinaghintay kami ng limang taon para sa dagdag-sahod na ito na dapat, eh, magtataas sa aming moralidad, pero parang insulto itong ibinigay nila sa amin,” ani Basas.

Aniya, limos lang ang dagdag-sahod na P2,205 sa loob ng apat na taon, o P500 kada taon, na 12 porsiyento lang kumpara sa 100 porsiyentong umento sa mga dating sumasahod ng malaki.

Kasabay ng pagbatikos sa administrasyong Aquino, na tinawag na “barat at atrasado”, hiniling ng grupo sa mga kandidato sa pagkasenador sa 2016 elections na pahalagahan ang karapatan at kapakanan ng mga guro.

“Kung gusto nilang pamunuan ang bansa, dapat na kilalanin muna nila ang kahalagahan ng edukasyon at ang karangalan ng pagtuturo bilang propesyon. Kung naniniwala silang ang pagtuturo ang pinakamarangal sa lahat ng propesyon, nangangahulugang karapat-dapat kami sa mas mataas na suweldo. Sana mas maayos ang pagtrato nila sa amin kaysa insensitive na administrasyong Aquino,” sabi pa ni Basas. - Mac Cabreros