ANG magkakasabay na pag-atake ng mga terorista sa Paris, France, na ikinamatay ng 129 na katao ay awtomatikong nagtaas sa alerto ng seguridad para sa Asia Pacific Economic Conference (APEC) Leaders’ Summit na idaraos sa Huwebes at Biyernes sa Maynila.

Iniisip ng mga nangangasiwa sa seguridad na dahil 21 pinuno ng mga bansa ang magpupunta sa bansa para sa APEC, ang mga hakbangin para sa seguridad ay dapat na 21 beses na mas maigting kumpara sa ikinasang paghihigpit sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis noong Enero. Ang pasya nina Russian President Vladimir Putin at Indonesian President Joko Widodo na huwag dumalo sa APEC meeting ngayong taon ay bahagya lang na pumawi sa pinaghahandaang pangamba ng panganib, dahil ang iba pang world leader na magtutungo sa bansa, partikular na si United States President Barack Obama, ay isang malaking security nightmare para sa alinmang bansa na magsisilbing punong abala.

Ipinaalam ni President Putin kay Pangulong Aquino na ang isa sa mga dahilan ng kanyang desisyon ay ang pagpapabagsak kamakailan sa isang eroplano ng Russia sa Sinai Peninsula ng Egypt, na inako ng Islamic State na kagagawan nito. Naging aktibo ang Russia sa digmaan sa Syria, bilang pagtatanggol kay King Bashar Haffez al-Assad laban sa mga rebelde, sa pangunguna ng Islamic State. Ang desisyon kaya ni Putin na huwag dumalo sa APEC meeting ay may kinalaman sa mga banta ng Islamic State?

Ang mga pag-atake sa Paris ay isinagawa ng mga armadong lalaki na nakasuot ng itim na damit at may bitbit na mga AK-47. Sa unang pag-atake sa isang concert hall sa silangang Paris, naulinigan ang isa sa mga armadong lalaki na nagsabi ng: “It’s the fault of Hollande; it’s the fault of your president. He should not have intervened in Syria.” Sa national stadium ng France, ang Stade de France, nanonood si President Francois Hollande ng laban ng football sa pagitan ng France at Germany nang paulanan ng bala ng mga salarin na nangakasuot din ng itim, ang may 100 kataong nanonood. Sa mga kalapit na kalsada, isang restaurant ng McDonald’s, isang Japanese restaurant, isang kainang Cambodian, at isang Italian pizzeria ang inatake gamit ang mga baril at bomba.

Matagal pa ang aabutin bago maliwanagan ang buong detalye sa magkakaugnay na pag-atake at mabatid ang dahilan nito. Ngunit sapat na para sa atin ang ipatupad ang mga pag-iingat sa seguridad para sa APEC na idaraos dito sa Maynila. May sarili tayong grupo ng masasamang elemento na maaaring ipalagay ang APEC bilang isang pambihirang pagkakataon upang mapagtuunan ng pansin ng buong mundo ang kanilang ipinaglalaban. Dapat natin ngayong ikonsidera ang mas mataas na posibilidad na samantalahin ng mga pandaigdigang grupo ng mga terorista, gaya ng umatake sa Paris, ang pambihirang pagtitipon na ito ng nasa 19 na leader ng mga bansa upang isulong ang kanilang mga ideyalismo.