NOON, may kanta ang mga magsasaka sa probinsiya: “Magtanim ay ‘di biro, maghapong nakayuko, ‘di man lang makaupo, ‘di man lang makatayo.” Ngayon, may binuo akong awitin: “Magtanim ay masaya, isang bala sa NAIA, bulsa nila agad puno ng pera.” Nang mabasa ito ng kaibigan kong senior-jogger, sabi niya: “Let’s drink (coffee) to that”. Sabad naman ni Tata Berto: “Grabe ang nangyayari sa NAIA. Worst airport na, mapanganib pa, pera-pera pa.”

Hindi mga magsasaka sa bukirin ang mga tauhan ng ating paliparan, pero mukhang mas malakas at marami ang kanilang “inaani” sa pagtatanim ng bala sa bagahe ng mga OFW at dayuhan. Halimbawa nito ay ang salaysay ng 20-anyos na si Lane Michael White, anak ng isang American preacher.

Sa pagdinig sa Senado noong Huwebes kasama ang kanyang stepmother na si Eloisa Zuleta, inihayag ni White na hinihingan sila ng P80,000 upang hindi na siya tanungin pa sa bala na nakita umano sa loob ng kanyang luggage.

Nagtawaran sa halaga hanggang nagbigay umano ng P30,000 sa mga tauhan ng NAIA.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nagtataka nga ang kolumnistang si Jarius Bondoc kung bakit walang Pilipinong nahuhuli sa mga airport sa ibang bansa gayong mas sopistikado at moderno ang kanilang x-ray at screening machines doon, partikular na sa US, Europe, Australia, China at Southeast Asia. Pero sa NAIA, ang daming nahuhulihan. Ibig bang sabihin magdadala ang isang pasahero ng bala gayong alam niyang sa lalapagan niyang destinasyon ay mas matindi at matalas ang mga machine?

Napakatanga naman niya o mas tuso at suwapang ang mga screener at tauhan ng Office of Transport Security na bumibiktima ng OFWs at dayuhan.

Walang schedule sina Pangulong Noynoy Aquino at Chinese Pres. Xi Jinping para sa bilateral meeting upang pag-usapan ang gusot sa West Philippine Sea (South China Sea). Si Mr. Jinping ay nasa bansa para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa Maynila. Gayunman, sila ay magiging seatmates o magkatabi sa upuan, ayon kay APEC 2015 National Organizing Council (NOC) director general Marciano Paynor.

Badya ni Paynor sa kanilang pagiging seatmates: “The opportunity for the President and Pres. XI Jinping will always be there if they wish to talk about the issues, that are bilateral in nature.” Tanong: Magkaintindihan kaya ang dalawang Pangulo, ang isa ay Pinoy na English-speaking habang ang isa naman ay Mandarin-speaking?

Siyanga pala, ang magiging gastos ng gobyerno para sa APEC summit na ito ay aabot sa P20 bilyon! Wow, ang laking halaga! Ano kaya ang mapapala ng Pilipinas pagkatapos ng bigating pagpupulong na ito? (BERT DE GUZMAN)