Ni MARY ANN SANTIAGO

Sisimulan na ngayong Lunes ang pagsasara ng ilang kalye sa Maynila kaugnay ng pagdaraos ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit ngayong linggo.

Batay sa traffic advisory na ipinalabas ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) at ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), nabatid na lahat ng kalsada na patungong Philippine International Convention Center (PICC), na pagdarausan ng meeting, ay isasara mula 12:01 ng umaga ng Lunes hanggang 12:00 ng umaga ng Biyernes.

Kabilang sa mga isasara ang Roxas Boulevard northbound at southbound lane mula Katigbak hanggang P. Ocampo; ang Roxas Boulevard service road mula Sta. Monica Street hanggang sa P. Ocampo; buong Quirino Avenue, mula Roxas Boulevard hanggang Adriatico Street.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sarado rin ang Century Park Street mula Adriatico hanggang Mabini Street; at ang Mabini Street, mula P. Ocampo hanggang Quirino Avenue.

Maging ang southbound lane ng Adriatico mula sa Quirino Avenue hanggang sa Century Park Street ay hindi rin muna madadaanan, gayundin ang P. Ocampo, mula Adriatico hanggang Roxas Boulevard.

Apektado rin ng pagsasara ng trapiko ang MH del Pilar Street, mula Sta. Monica Street hanggang Malvar Street, at ang Pedro Gil Street, mula Roxas Boulevard hanggang Mabini Street.

Kaugnay nito, nagpalabas na rin ang traffic bureau ng mga ruta na maaaring daanan ng mga sasakyan sa panahon ng APEC meeting.

Sa traffic re-routing scheme ng MDTEU, nabatid na lahat ng sasakyang mula sa northern part ng Manila/Pier Zone na nais gumamit ng southbound lane ng Roxas Boulevard ay dapat kumaliwa sa P. Burgos, kanan sa Ma. Orosa o Taft Avenue, patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga sasakyan namang mula sa southern part ng Maynila na nais dumaan sa northbound lane ng Roxas Boulevard ay dapat kumanan sa Buendia, kaliwa sa Taft Avenue patungo sa destinasyon, habang ang mga dadaan sa P. Ocampo mula Taft Avenue ay dapat kumanan sa Adriatico, kanan sa Leveriza hanggang Quirino Avenue patungo sa destinasyon.

Ang mga sasakyan namang bibiyahe sa westbound lane ng Pres. Quirino mula sa Osmeña Highway (Plaza Dilao) area patungong Roxas Boulevard ay maaaring kumanan o kumaliwa sa Taft Avenue patungo sa kanilang destinasyon, habang ang mga sasakyang mula sa Del Pilar Street na nais gumamit ng Roxas Boulevard ay pinakakaliwa sa Quirino Avenue patungong Taft Avenue hanggang sa kanilang patutunguhan.

Mahigpit ding ipinaalala na hindi pinapayagan ang pagpa-parking ng mga sasakyan sa service road ng Roxas Boulevard, mula T.M. Kalaw hanggang sa President Quirino Avenues.