SA buhay nating mga Pilipino, tayo ay nakararanas ng panahon ng tag-araw at tag-ulan. Sa mga nasabing panahon, dalawang uri ng hangin ang nagsasalitan sa ating bansa. Ito ay ang Habagat at Amihan. Tag-ulan kung sumapit ang Habagat na kung tawagin sa Ingles ay Southwest monsoon na nagmumula sa dakong timog-kanluran. Sinasabi ng iba nating kababayan na ang Habagat ay may dalang hilagyo o biyaya na ang tinutukoy ay ang taglay nitong malakas at mahinang pag-ulan. Kapag naging madalas na ang ulan na dala ng Habagat, napupuno na ng ulan ang dating tigang at bitak-bitak na linang sa bukid.

Dahil dito, ang mga magsasaka ay makapag-aararo na. Nagsisimula na ring magpunla ng binhi at makalipas ang ilang linggo ay sisimulan na ang pagtatanim ng palay. Ang mga inararong bukid ay magsisimula nang maging kulay luntian dahil sa itinanim na mga palay.

Ang Habagat ay nagsisimulang sumimoy tuwing ikatlong linggo ng Mayo. Natatapos ang Habagat sa kalagitnaan ng Oktubre na simula naman ng panahon ng Amihan na dala ang malamig na hangin. Nagmumula ang Amihan sa silangang kanluran ng bansa. Dala nito ang Siberian wind na taglay ang lamig ng natutunaw na yelo sa Siberia. Sa panahon ng “ber” months hanggang sa kalagitnaan ng Pebrero ay mararamdaman ang lamig na dala ng Amihan. Dahil sa lamig, marami na sa ating mga kababayan ang nagsusuot ng makapal na damit. May nagsusuot ng jacket. Marami na rin sa ating kababayan ang tinatamad nang maligo sa madaling-araw at umaga. Punas-punas na lang, ika nga. Ang ibang nasanay na maligo bago pumasok sa trabaho ay nagpapakulo ng tubig.

Ayon kay G. Meto Unidad, 91, taga-Angono, Rizal at dating mangingisda sa Laguna de Bay, ang hanging Amihan, batay sa kanyang karanasan ay may dalawang uri. Una ay ang Amihang “mura” at ang isa naman ay ang Amihang “magulang”. Ang Amihang mura daw ay ang malamig na simoy at ang Amihang magulang ay ang mainit na simoy ng hangin. Nilinaw pa ni Unidad na ang Amihang magulang ay nararanasan tuwing tagtuyot.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang Habagat at Amihan sa buhay ng mga mangingisda sa Rizal sa Laguna de Bay ay may hatid na pag-asa at biyaya.

Maraming nahuhuling isda sa kanilang pamalakaya tulad ng fish cage at fishpen. Ngunit may mga pagkakataon na ang Habagat at Amihan ay may hatid na hirap at pinsala.

Samantala, ang Habagat at Amihan ay binigyang-buhay ng pintor-iskultor na si Nemiranda Jr. sa kanyang dalawang likhang sining. Ang mga ito ay isa sa mga makikitang likhang-sining sa Art Gallery ni Nemiranda Jr. sa Barangay San Roque sa Angono, Rizal. Ang National Artist na si Carlos Botong Francisco ay may oil painting din tungkol sa hanging Amihan. (CLEMEN BAUTISTA)