DALAWANG oras na lang pala ang ASAP 20 na dating tatlong oras at kalahati at kalaunan naman ay naging dalawang oras at kuwarenta’y singko minutos.
Sa madaling sabi, isang oras at kalahati na ang nababawas sa airing time ng programang dalawampung taon na sa ere.
Kuwento ng aming source, nagbawas ng oras ang programa para bigyan ng puwang ang gag show na Banana Sundae na nagsimula na kahapon, Linggo.
Nabanggit din ng source na maraming regular artists sa ASAP 20 ang magiging semi-regular na lang dahil nga iniksian na ang oras.
Hindi na namin babanggitin kung sinu-sino ang mga artistang apektado pero worried ang aming source kung paano na ang mga supporter ng mga ito na linggu-linggong nasa show.
“Mag-i-experiment pa ang ASAP 20 kung sino ‘yung mga artistang malakas para iyon ang regular na mapapanood at ‘yung iba semi-regular na lang, meaning twice a month na lang sila mapapanood.
“Ang daming segments din ang mawawala, hindi pa alam kung ano ang matitira. Magulo nga, eh,” kuwento ng aming source.
Diretsong tanong namin, malaki ba ang epekto ng pagsipot ng Sunday Pinasaya na itinapat sa ASAP 20 sa mga pagbabagong ito?
“Alam ko kasi nag-give way sa Banana Sundae, hindi ko alam ‘yung sa katapat,” sagot sa amin.
Ang alam naming regular sa ASAP 20 na hindi puwedeng mawala ay sina Gary Valenciano, Zsa Zsa Padilla, Martin Nievera, Sarah Geronimo, Alex Gonzaga, Kim Chiu, Maja Salvador, Robi Domingo, Luis Manzano at iba pa.
Nang magtanong kami sa kakilala namin sa ASAP tungkol sa isyung ito, ang sabi niya, “Walang mababawas (na artista).”
Sa madaling sabi, kayang i-accommodate ang lahat sa loob ng dalawang oras at feeling namin ay magbabawas na lang siguro ng segment.
Anyway, abangan na lang kung anu-ano ang mga pagbabago sa programa. (REGGEE BONOAN)