COTABATO CITY – Anim na katao, kabilang ang dalawang pulis, ang sinampahan ng kaso kaugnay ng pagpatay sa hepe ng Marawi City Police sa isang pananambang nitong Oktubre 17, 2015.

Ang kasong murder ay isinampa sa Marawi City Prosecutors’ Office nitong Oktubre 26, ngunit kahapon lang iniulat sa media.

Kinasuhan ng murder sina SPO2 Naga Racman Mamacol, SPO1 Salic Macabuat Benito, isang Jamal Panondiongan at tatlong iba pa, ayon sa source mula sa police intelligence community.

Tumayong complainant si Adimher Wahab Santos, kapatid ng napatay na hepe ng Marawi City Police na si Supt. Al Abner Wahab Santos, ayon sa source.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Hiniling din ni Adimher na gawin ang paglilitis sa Maynila, iginiit na kailangan niya ng security at hiniling ang patas na pagdinig sa kaso, ayon sa source, idinagdag na ang nasabing mga kahilingan ay agad na pinagbigyan ng prosecutor’s office.

Matatandaang minamaneho ni Supt. Santos ang kanyang SUV mula sa provincial police headquarters patungo sa kanyang tanggapan sa Marawi City nang harangan siya ng mga armadong lalaki at pagbabarilin, wala pang isang kilometro mula sa detachment ng 103rd Brigade ng Philippine Army sa siyudad, pasado 2:00 ng hapon nitong Oktubre 17. Agad siyang namatay, ayon sa mga ulat.

Oktubre 19 naman nang magsagawa ng emergency meeting sa Marawi sina Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Mujiv S. Hataman at Lanao del Sur Gov. Mamintal A. Adiong, Jr., kasama ang matataas na opisyal ng militar at pulisya at nagbuo ng task force para imbestigahan ang pagkamatay ni Santos.

Agad namang sinimulan ng grupo mula sa Criminal Detection and Investigation Group (CIDG)-Region 10 ang sarili nitong imbestigasyon hanggang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, batay sa salaysay ng mga testigo, ayon sa source.

Sinabi pa ng source at ng ilang sibilyang impormante na ang kinasuhang mga pulis na sina Mamacol at Benito ay nakatalaga sa Lanao del Sur Police Provincial Office.

Nabatid na sa pagpupursige ni Santos ay nagawa niyang masakote ang tatlong sindikato ng ilegal na droga sa nakalipas na mga buwan. (Ali G. Macabalang)