Naglunsad ng imbestigasyon ng liderato ng Bureau of Customs (BoC) sa misteryosong pagkawala ng malaking bulto ng smuggled na bigas, asukal at asin na iniimbak sa dalawang bodega sa Caloocan City at Maynila, matapos masamsam ng ahensiya ang mga ito.

Kasama ang mga opisyal ng Port of Manila (PoM), nadiskubre ni Joel Pinawin, officer-in-charge ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), na nawawala ang mga kontrabando nang magsagawa siya ng surprise ocular inpection sa dalawang bodega nitong nakaraang linggo.

“Magsasagawa sana ng imbentaryo, subalit nawawala na ang mga kontrabando,” pahayag ni Pinawin. “Dapat sana’y binabantayan ang mga iyon ng Customs police, subalit wala ngang gumawa nito.”

Ayon sa Customs authorities, aabot sa 210,000 sako ng asin ang nakaimbak sa Arvin Warhouse sa Harbor Center sa Maynila, habang ang mga nasamsam na illegally imported na bigas at asukal ay itinago sa isang warehouse sa No. 63 C-3 Road, Dagat-dagatan, Caloocan City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang dalawang imbakan ng mga nasamsam ng kontrabando ay mga pribadong bodega, pero nasa superbisyon ng BoC.

Hindi pa matukoy ng mga opisyal ng CIIS ang dami ng mga nawawalang bigas at asukal dahil hindi pa sila nabibigyan ng POM Auction and Disposal Division ng kopya ng ulat hinggil sa mga nawawalang kontrabando.

Ang mga smuggled na bigas, asukal at asin ay nasamsam noong panunungkulan ni Rogel Gatchalian bilang POM collector noong 2011.

Hindi pa rin malinaw sa Customs authorities kung paano nawala ang mga naturang smuggled goods subalit ipinagbigay-alam na ni Pinawin ang iregularidad kay Deputy Customs Commissioner for Intelligence Jesse Dellosa, na nag-utos ng imbestigasyon sa isyu. (Raymund F. Antonio)