KAPANALIG, nitong Nobyembre 11 hanggang 14 ay ipinagdiwang ang pagtatapos ng Year of the Poor ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas. Ang Year of the Poor ay ang pagtutupad ng gampanin at pakikiisa ng Simbahang Katoliko sa maralita.

Sa ating bansa, marami pa rin ang naghihirap kasabay ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya. Marami ang naiiwan sa ating lipunan na hindi makahabol sa mga pagbabago dahil sa karalitaan.

Ayon sa United States Agency for International Development (USAID), batay sa $1.25 poverty line, ang extreme poverty sa ating bansa noong 2012 ay tinatayang nasa 19.2 porsiyento ng ating populasyon. Katumbas nito ang mahigit kumulang 18.4 milyong mamamayan.

Ang extreme poverty ay mas ramdam sa mga kanayunan kung saan marami ang mga magsasaka at mangingisda na dalawa sa pangunahing pinakamahirap na sektor sa ating bayan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung pagbabasehan nga ang sitwasyon ng mga magsasaka, tila mahirap nga na makatakas sa extreme poverty. Sa kasalukuyan, ang median age ng mga magsasaka ngayon ay nasa 57 anyos na. Ang opisyal na edad ng retirement sa bansa ay 60 hanggang 65. Ibig sabihin nito, iniwan na ng maraming mga bata at malalakas na magsasaka ang agrikultura at ang mga natitira ay ang mga may karaniwang edad at ‘di hamak na kaunti kumpara sa mga nakaraang taon. Sa hanay naman ng mangingisda, lumiliit ang kanilang kita dahil sa mas kaunting huli at paglaki ng commercial fishing. Sa mga urban areas naman, mas kalunus-lunos ang sitwasyon dahil ibang anyo naman ito ng kahirapan. Sa urban areas, mas halata ang contrast o kaibahan ng estado sa buhay. Ang extreme poor ay sa kariton, bangketa o tulay nakatira, expose sa init at lamig, pati na rin sa krimen.

Ito ang nais ipaalala sa atin ng Year of the Poor na magtatapos ngayong Linggo. Kung iisipin nga, kapanalig, mas lumilitaw ang mensahe ng Year of the Poor, lalo pa’t magtatapos ito sa pagsisimula ng summit ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC). Sa puspusang paghahanda para rito, ang mga maralitang nakatira sa kalye ay binayaran umano upang magtago habang isinasagawa ang APEC summit.

Magandang repleksyon para sa atin ang magkakasunod at malalaking pagdaraos na katulad nito. Sa pagpupulong para sa kagandahan ng ekonomiya ng Asia Pacific region, hindi lamang dapat hanggang sa pagsusuri, diskusyon o pag-aaral. Dapat tayo rin ay tunay na samahan at akayin ang mga maralita tungo sa tunay na kaunlaran.

Ang Year of the Poor ay nagtataguyod ng Panlipunang Turo ng Simbahan. Base sa Rerum Novarum, “It is the Church’s desire that the poor should rise above poverty and wretchedness, and should better their condition in life; and for this it strives.” Bilang mga kapatid sa kapanalig, sabayan natin ang maralita at ang Simbahan sa pagsulong ng tunay na kaunlaran para sa lahat.

Sumainyo ang katotohanan. (FR. ANTON PASCUAL)