KAPANSIN-PANSIN tuwing tag-araw at “ber” months partikular na sa Nobyembre at Disyembre ay nagtataas ang Manila Electric Company (Meralco) ng singil sa kuryente. Katulad ngayong Nobyembre, matapos ang anim na magkakasunod na buwan na pagbaba ng singil sa kuryente, ibinalita ng Meralco na tataas ang singil nila sa kuryente sa mga residential customer. Papatak na ito ng P0.13 sentimos per kilowatt hour ( kWh). Ang dahilan at paikot ng Meralco na katwiran din nila noon ay: “Bunga ito ng pagtaas ng generation charge.” Sa kabila umano ng taas-singil na ito sa kuryente, ang over all rate ngayong Nobyembre ay nananatiling pangalawa sa pinakamababa mula noong Enero 2010.
Bilang halimbawa, ang kabuuang electricity bill na kumukonsumo ng 200 kWh ay tataas ng hanggang P26 ang dagdag-singil sa kuryente ngayong Nobyembre. Ayon pa sa tambolero ng Meralco, HINDI MARARAMDAMAN ng mga consumer ang dagdag- singil na ito. San Juan Bautista ng La Salle, anong hindi mararamdaman, e, nagtaas na nga ang singil sa kuryente? Tulad ng dati, magbaba o magtaas man ang singil sa kuryente, may basbas ito mula sa Energy Regulatory Commission (ERC).
May iba’t ibang reaksiyon ang ating mga kababayan sa tuwing may dagdag-singil sa kurynte ang Meralco. May nagsasabing para na naman silang kukuryentihin sa pagbabayad. Ayon naman sa mga minimum wage earner, baka mawalan ng liwanag ang kanilang buhay sapagkat hindi nila kaya ang dagdag-singil sa kuryente. May nagpahayag naman na ang Meralco ay hindi na rin naiiba sa mga dambuhalang oil company na ganid sa tubo. Sunud-sunod ang gagawing roll back sa mga produktong petrolyo.
Hindi naman umaabot ng P2 ang rolll back kundi senti-sentimos lamang at suwerte na kung maging piso. Pagkatapos, sasagarin ang oil price hike ng gasolina at krudo. Ang laging katwiran, epekto raw ng pagbabago ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Angal ang mga jeepeney driver sa dagdag-presyo ng krudo, apektado ang kanilang pamamasada. Gayundin ang ibang motorista na gumagamit naman ng gasolina. Hanggang sa pagmumura na lamang ang kanilang nagagawa. Balewala rin umano ang kilos-protesta ng mga jeepney driver at militanteng grupo.
Protektado ng Oil Deregulation Law ang mga dambuhalang kumpanya ng langis.
Nagdarasal na lamang ang mga consumer na wala sanang dagdag-singil sa kuryente sa Disyembre upang maramdaman nila ang simoy ng Pasko. Magkaroon ng liwanag ang kanilang buhay at ang kanilang mga Christmas lights at parol.
(CLEMEN BAUTISTA)