SA pagpapakita ng pakikiisa sa mga katutubong Lumad na nagkampo sa Liwasang Bonifacio, nakibahagi si Luis Antonio Cardinal Tagle, arsobispo ng Maynila, sa kanilang protesta nitong Miyerkules. Suot ang isang katutubong putong sa ulo na ibinigay sa kanya ng mga raliyista, suot ng cardinal ang simpleng damit niya bilang pari nang magpakuha ng litrato kasama ang mga katutubo na nakasuot naman ng makukulay nilang native costume. Ngunit walang dudang kaisa nila si Tagle sa kanilang apela para sa kapayapaan at katarungan.
Setyembre pa ngayong taon ay kaisa na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ng mga katutubo sa pagkondena sa mga pagsalakay at pagpaslang sa komunidad ng mga Lumad sa Mindanao. Sinabi ni CBCP President Archbishop Socrates Villegas na nakababahala kung paanong agad na inabsuwelto ng gobyerno ang mga sinasabing nasa likod ng mga pagpatay.
Ang pagpaslang sa tatlong leader ng mga Lumad sa Surigao del Sur ay isinisi sa puwersang paramilitary na itinalaga ng Armed Forces upang labanan ang New People’s Army na kumikilos sa kabundukan na roon nakatira ang mga katutubo. Gayunman, iginigiit ng mga katutubo na ang operasyong paramilitary ay bilang suporta sa large-scale mining sa mga lupain ng tribu.
Ang mga pagpatay ay nagbunsod sa maramihang paglikas mula sa mga komunidad sa kabundukan patungo sa kapatagan.
Maraming pamilya ang nagpakupkop sa bakuran ng mga grupong relihiyoso sa Surigao City, na saklaw ng National Council of Churches in the Philippines.
Sa gitna ng mga pagtanggi ng militar at ng iba pang opisyal na may kinalaman o responsable sila sa mga pamamaslang, nagpasya ang mga Lumad na dalhin sa Maynila ang kanilang ipinaglalaban—sa Liwasang Bonifacio na ilang araw na silang nagsasagawa ng mga kilos-protesta. Dito nila nakasama si Cardinal Tagle nitong Miyerkules upang ideklara ng huli ang pakikiisa ng Simbahan sa ipinaglalaban ng mga katutubo, at upang umapela ng hustisya para sa pagpatay sa tatlong pinuno ng mga Lumad, at hilingin ang tulong ng gobyerno upang makabalik sila sa kani-kanilang lupain at mamuhay doon sa kapayapaan.
Ngayong linggo, inaalis ng gobyerno sa mga lansangan sa Metro Manila ang libu-libong pamilyang palaboy na makasisira sa imahe ng magandang siyudad, sa pagiging punong abala ng bansa sa Asia Pacific Economic Conference (APEC) conference. Sinabihan ang mga Lumad sa Liwasang Bonifacio na kailangan din nilang umalis. “Nalulungkot kami, kasi sinabihan kami ng DILG (Department of Interior and Local Government) na kailangan naming umalis kasi nakakasira kami rito,” sinabi ni Datu Jomorito Goaynon kay Archbishop Tagle.
Ang mga katutubo, sa paghahanap ng katarungan sa kanilang komunidad sa kabundukan ng Mindanao, ay umasang masusumpungan ito sa kabisera. Ang pagpapakita ni Archbishop Tagle ng pakikiisa sa kanila ay dapat na magpakilos sa mga opisyal ng gobyerno at sa iba pang kinauukulan upang tugunan ang apela ng mga Lumad.