MINGLANILLA, Cebu – Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa Central Visayas sa Philippine Medical Association (PMA) na agad na imbestigahan ang pagkamatay ng tatlong bata dahil sa umano’y kapabayaan ng isang ospital.

Ayon sa CHR, may kakayahan at hurisdiksiyon ang PMA sa umano’y usapin ng medical malpractice sa insidente.

Naglunsad na rin ng sariling imbestigasyon ang Cebu Integrated Provincial Health Office (IPHO) kaugnay ng pagkamatay ng mga bata sa Minglanilla District Hospital (MDH) dahil sa hindi umano maayos na pagtrato ng pagamutan sa mga ito.

Napaulat na namatay ang mga bata, sa magkakahiwalay na pagkakataon, matapos na tumanggi umano ang ospital na bigyan ng gamot ang mga paslit dahil walang perang pampagamot ang mga magulang ng mga ito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi ni IPHO Head Cynthia Genosolango na inatasan na niya ang pamunuan ng MDH na i-pull out ang medical records sa mga petsang nangyari ang dalawang insidente—ang isa ay noong Hulyo, habang nitong Oktubre naman ang isa pa, na kapwa apat na taong gulang ang mga pasyente.

Namatay ang dalawang bata isang linggo bago bawian ng buhay ang isang taong gulang na si Mary Jane Bariquit, na hindi umano nakayang bayaran ng mga magulang ang P500 gamot ng paslit.

Naging kontrobersiyal ang insidente matapos i-post sa Facebook ng isang concerned citizen ang kuwento ng mga bata.

Ikinagalit ng maraming Cebuano ang insidente, at binatikos ang pamahalaang panglalawigan sa pangangasiwa sa mga district hospital bilang mga negosyo sa halip na magkaloob ng tapat na serbisyo-publiko.

Sinabi naman ni Cebu Gov. Hilario Davide III na hihilingin niya sa IPHO na tapusin na ang kontrata ng doctor na gumamot kay Bariquit. (Mars W. Mosqueda, Jr.)