Hinikayat ng isang arsobispo ng Simbahang Katoliko si Pangulong Benigno Simeon Aquino III na makipag-diyalogo sa mga Lumad na nagsasagawa ng ‘Manilakbayan’ upang maipaabot sa kinauukulan ang mga problemang kinakaharap ng mga katutubo sa ancestral domain ng mga ito.
Ayon kay Cagayan de Oro City Archbishop Antonio Ledesma, dapat na alamin at pakinggan ng Pangulo ang mga hinaing at kahilingan ng mga Lumad.
Aniya, kailangang harapin ni Pangulong Aquino, lalo na ng National Commission on Indigenous People (NCIP) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga Lumad upang mabigyang linaw at matugunan ang problemang kinakaharap ng mga ito.
Sinang-ayunan din ng arsobispo ang panawagan ni Caritas Internationalis President at Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na gawing “zone of peace” ang lupain ng mga Lumad.
Iginiit ni Ledesma na naiipit lang ang mga Lumad sa girian ng militar at ng New People’s Army (NPA), gayundin ng mga pulitiko at negosyante na may interes sa ancestral domain ng mga katutubo.
Ibinahagi rin ng arsobispo ang patuloy na programa ng Archdiocese of Cagayan de Oro para sa mga Lumad, lalo na sa pagtatanggol sa lupain ng mga ninuno ng mga ito at pangangalaga sa kalikasan. (Mary Ann Santiago)