Maliban sa natitirang resulta sa larong boxing at badminton ay halos sigurado na ang Cebu City sa pagbitbit sa overall title ng ginaganap na 2015 Philippine National Games Visayas Qualifying leg sa Evelio B. Javier Sports Complex.

Hinakot ng Cebu City ang kabuuang 75 ginto, 46 pilak at 27 tanso para sa kabuuang 148 medalya mula sa ipinadala nitong 198 atleta sa elite sports development program ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) para makadiskubre ng posibleng maging miyembro ng pambansang koponan.

Ikalawa ang host na Antique na may iniuwing 21-27-43 (ginto-pilak-tanso) para sa kabuuang 93 medalya habang ikatlo ang Iloilo City (19-11-4=34). Ikaapat ang Province of Cebu (16-12-11=39) habang nasa ikalima naman ang Cebu Province (12-4-2=18).

Ikaanim ang Province of Bohol (10-5-3=18) habang ikapito ang Lapu-Lapu City (7-8-8=23). Nasa ikawalo naman ang Hungduan, Ifugao (6-9-1=16) at ikasiyam ang Guiwan, Zamboanga City (6-1-1=8). Ikasampu ang Iloilo Province na may 5-1-0=6 medalya.

PVL, ibinalandra eligibility rules sa foreign players; Alohi Hardy, ekis ngayong conference

Dominado naman ng Dumaguete ang sports na archery matapos itong mag-uwi ng 4 na ginto, 4 na pilak at 2 tanso.

Nagwagi ng ginto sina Emalhyne Grace Makinano sa individual junior women’s recurve Olympic Round at si Pia Elizabeth Angela Bidaure sa women’s open recurve Olympic round.

Iniuwi nina Lawrence Joseph Marino, Joshua Ferdio at Kent Jasper Cabonelas para sa Dumaguete ang men’s team open recurve Olympic round bago nagwagi sa Mixed Team Olympic round sina Kent Jasper Cabonelas at Emalhyn Grace Makinano.

Nakapag-uwi din ang Cebu City sa archery ng 2 ginto at 2 pilak habang mayroon naman ang Antique na 2 ginto, 2 pilak at 2 tanso.

Habang isinusulat ito ay anim na boksingero ng Cebu City at Victorias ang sasagupa para sa gintong medalya sa kampeonato ng Boxing. Ang host Antique kasama ang Maasin City, Negros Occidental at Dumaguete habang may isang pambato sa titulo ang PMI.

Nagtala ng impresibong panalo sina Archie Moyani ng Victorias na nagwagi via TKO Round 2 kay Mark Mahilum ng San Carlos gayundin si Ian Refuela ng Cebu na naka-TKO sa Round 3 kay Rodel Suganob ng PMI at si John Talatala ng Antique na pinatulog sa round 2 si Jesmar Jaga ng Victorias.

Samantala, iniuwi ng Zamboanga City ang overall sa sports na weightlifting matapos na magwagi ng kabuuang 19 na ginto, 10 pilak at 13 tansong para sa kabuuang 42 medalya. Ikalawa ang Cebu City na may 11-9-6 (ginto-pilak-tanso) para sa 26 medalya habang ang Bohol ay may 11-5-12=28 medalya.

Ikaapat ang UE-Manila (7-6-6=19), ikalima ang Hungduan, Ifugao (6-9-1=16), ikaanim ang Philippine Air Force (-5-1-0=6), ikapito ang UE-Quzon City (3-4-5=12), ikawalo ang Mandaue (3-1-2=6) at ikasiyam ang Angono (2-4-1=7).

(ANGIE OREDO)