Sasabak ang dating national track at ngayon ay MTB rider na si Alvin Benosa sa isasagawang UCI Mountain Bike Marathon Championships sa Hunyo 25-26, 2016 sa Laissac, France.
Ito ay matapos makuha ni Benosa ang kanyang tiket sa France sa pagtapos sa ikatlong puwesto sa ginanap na Nuvali Dirt Weekend XCM World Series sa Sta. Rosa, Laguna.
Ang 35-anyos na si Benosa, na isang Corporal sa Philippines Army ay agad nagpahayag ng kanyang nais na matinding pagsasanay na kabilang ang high altitude camping sa Baguio City sa asam nitong makapagbigay ng panibagong karangalan sa bansa.
Matatandaang si Benosa ay naging miyembro ng Team Philippines na nag-uwi ng pilak na medalya sa team pursuit noong isagawa sa bansa ang 2005 SEA Games.
Bagaman sasabak sa MTB ay hindi naman isinasara ni Benosa ang kampanya sa isa pa nitong paboritong disiplina na road racing kung saan muli itong sasabak sa Ronda Pilipinas kung magdedesisyon ang Army na magsali muli ng isang koponan.
(ANGIE OREDO)