Dalawang overseas Filipino worker ang nakaalis na sa bansa patungong Taiwan matapos ayudahan ng Department of Labor and Employment (DoLE) inter-agency team at Public Attorney’s Office (PAO) kahapon.

Ang dalawang OFW ay pinigil ng security personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos makitaan ng bala ang kanilang mga bagahe nang isalang ito sa x-ray machine kamakailan.

Sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Rebecca J. Calzado na bahagi ng binuong Task Force na tugunan ang usapin sa “tanim-bala”, kaya inalerto ang OWWA personnel na nakatalaga sa NAIA na agad tulungan ang mga apektadong OFW na paalis ng bansa.

Nagtayo na rin ng OWWA counter sa loob ng NAIA upang ibigay ang pangangailangan ng mga OFW, partikular ang mga mas nangangailangan ng agarang atensiyon.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Nasa paliparan din ang mga abogado ng OWWA at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang suportahan ang mga OFW na nakaranas ng trauma sa tanim-bala.

Napalaya ang dalawang OFW at dinala sa pangangalaga ng OWWA at nanuluyan sa OWWA Halfway Home.

Nakikipag-ugnayan ang OWWA sa local recruitment agencies ng dalawang OFW para agad isaayos ang re-booking ng kanilang mga ticket.

Nag-isyu si Calzado ng Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) Advisory No. 08, Series of 2015, na inaabisuhan ang lahat ng accredited PDOS providers na paalalahanan ang PDOS participants na huwag magdala sa kanilang checked-in o carry-on luggage ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng bala sa ilalim ng R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act. (Bella Gamotea)