TAUN-TAONG ginugunita ang World Diabetes Day (WFF) tuwing Nobyembre 14 upang isulong ang kamulatan sa diabetes, ang pag-iwas dito, mga panganib, mga komplikasyon, at ang pangangalaga at gamutan ng mga pasyente nito. Itinakda ng United Nations ang petsang ito noong 2007 upang ipagdiwang ang kaarawan ng manggagamot na Canadian na si Frederick Banting na, kasama ng kanyang estudyanteng si Charles Best, ay nakatuklas sa insulin noong 1921.
Ang mga aktibidad ng WDD—libreng blood sugar screening, karera ng bisikleta, mga fun run, pagpapailaw sa monument, at mga walkathon—ay pangungunahan ng International Diabetes Federation (IDF) at ng 200 miyembrong samahan nito sa mahigit 160 bansa, kabilang ang Pilipinas. Ang mga tanyag na gusali at monument, gaya ng Chicago’s Sears Tower, London Eye, at Brisbane City Hall ay iilawan ng asul upang ipakalat ang mensahe. Asul na bilog ang logo ng WDD, isang pandaigdigang simbolo ng diabetes para sa pagkakaisa.
Ang tema para sa 2014-2016 ay “Healthy Living and Diabetes” at ang slogan ng kampanya ngayong taon ay “Act Today to Change Tomorrow”, tungkol sa kahalagahan ng pagkain ng masusustansiya upang epektibong mapangasiwaan ang Type 2 diabetes, at isang paalala na rin na simulan ang bawat araw sa pagkain ng masustansiyang almusal, upang matulungang mapababa ang blood sugar levels at mapanatiling busog at masigla sa buong umaga.
Ang diabetes ay ang kawalan o kakulangan ng insulin sa katawan, o insulin resistance dahil sa mataas na glucose o tamis sa dugo. Kabilang sa mga kondisyon nito ang diabetes mellitus Type 1 at Type 2, at gestational diabetes, na nakaaapekto kung paanong naglalabas ng insulin ang pancreas, ang organ sa digestive system. Ang type 1 ay insulin-dependent, at kailangang magturok ang mga may sakit ng insulin hormone sa kanilang katawan upang maiwasang mapinsala ang organ; ang type 2 ay hindi insulin dependent. Delikado naman sa gestational diabetes ang mga buntis.
Nanganganib na magkaroon ng diabetes ang sobra ang katabaan, may glucose intolerance, walang ehersisyo at hindi maayos ang pagkain. Kabilang sa mga sintomas ang laging pagkauhaw, pagdanas ng matinding gutom, pagkapagod, biglaang pagbabawas ng timbang, madalas na pag-ihi, panlalabo ng paningin, at pamamaga o pamumula ng gilagid. Depende sa uri at tindi, nakokontrol ang diabetes sa pamamagitan ng diet, pagbabawas ng timbang, pag-eehersisyo, pagbabago ng lifestyle, pag-inom ng gamot, at pagtuturok o paglanghap ng insulin.
Dumadami ang nagkakaroon ng diabetes sa mundo; kabilang ito sa 10 pangunahing sanhi ng pagkamatay. Ayon sa World Health Organization (WHO) at IDF, 382 milyong katao ang mayroong diabetes sa ngayon, 280 ang may mataas na panganib sa sakit, at 316 milyon ang may mataas na panganib na magkaroon ng Type 2 diabetes. Parami nang parami ang mga Pilipinong naaapektuhan ng sakit; noong 2010, may 3.4 na milyong kaso ng diabetes sa bansa, para sa prevalence rate na 7.7%. Ang mga Pilipino na matutukoy na may diabetes ay maaaring umabot sa 7,798,000 sa 2030, ayon sa WHO-IDF.