Nakasuot ng dilaw na blouse si Camarines Sur. Rep. Leni Robredo nang dumating sa Manila Bulletin bilang guest ng “Hot Seat” candidates’ forum.

Maaliwalas ang disposisyon at sa kanyang kilos, madaling mapansin ang kanyang pagiging simple - manipis ang make-up at walang suot na kumikinang na alahas.

Wala ring bodyguard at walang taga-bitbit ng bag.

Sa edad 50, kaakit-akit pa rin ang nabiyuda ni dating Interior and Local Government Secretary Jessie Robredo. Sila ay may tatlong anak na dalaga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Maituturing na bagito sa larangan ng pulitika, marami ang nagulat nang walang tigil na ipinahayag ni Robredo ang kanyang plataporma na nakatuon sa pag-aangat ng buhay ng mga maralita.

“Ang lamang ko sa ibang kandidato ay nababad ako sa field work, tumutulong sa mga non-government organization sa grassroots level,” pahayag ni Leni.

Puntirya ng nag-iisang babaeng kandidato sa pagka-bise presidente ang mapalakas ang sektor ng agrikultura na hindi lamang nakatutok sa bigas.

Sa mahigit isang oras na panayam ng Manila Bulletin team sa kongresista, wala ni isang beses siyang bumatikos sa kanyang kalaban sa pulitika.

“Hindi natin kailangang manira. Ang mahalaga sa akin ay maiparating ko sa mamamayan ang aking mga strength imbes na bumabatikos sa ibang kandidato,” aniya.

Matapos ang mahabang diskusyunan sa ekonomiya at pulitika, napadpad ang talakayan sa isyu ng “lovelife.”

“Mayroon pa bang puwang ang inyong puso para sa ibang humahanga sa iyo?” tanong ng may-akdang ito.

Parang bulkan na sumabog si Rep. Robredo: “Naku! Wala na po!”

“Kung baga…I’m single but unavailable,” giit niya.

Upang makaiwas sa mga “aswang” na nagpapa-cute sa kanya, sinabi ni Robredo na hindi siya nagpapakita ng ano mang senyales na maaaring bigyan ng kahulugan ng isang tagahanga. (ARIS R. ILAGAN)