TANDISANG ipinahiwatig ng isang pangunahing tagapagtaguyod ng Freedom of Information (FOI) bill: “Patay na” sa Kamara ang naturang panukalang-batas. Nangangahulugan na magluluksa na rin ang mamamayan, lalo na ang mga miyembro ng media, dahil sa pagkamatay ng makapangyarihang sandata laban sa mga katiwalian sa gobyerno.

Ang FOI bill ay ipinaglalaban ng mga mamamahayag sa loob ng maraming taon at maging makabayang mambabatas; naniniwala sila na ito ang maglalantad ng mga patakaran at transaksiyon na ipinatutupad ng administrasyon. Bahagi ito ng transparency program na ipinangangalandakan ni Presidente Aquino.

Subalit isang malaking kabalintunaan na ang naturang bill ay hindi sinertipikahan ng Pangulo bilang isang urgent measure. Kabaligtaran ito ng kanyang mga pangako na isinisigaw noong 2010 presidential campaign kaugnay ng ipinagmamalaki nilang “Tuwid na Daan”. Dahilan din ito ng pag-aatubili ng ilang mambabatas na pagtibayin ang naturang bill. Tulad ng paghihinanakit ni Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat, hindi ito naging prayoridad ng Kamara.

Ganito rin kaya ang mga pag-aatubili na naghahari sa Senado?

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil sa mistulang pagkamatay ng FOI bill, lalong nalantad ang matinding pangamba ng ilang mambabatas, lalo na ng mga kaalyado ng Aquino administration, na mabulgar ang kanilang mga itinatago; nais nilang manatiling lihim ang kahina-hinalang karangyaan sa pamumuhay. Walang hangaring mailantad sa sambayanan ang mga transaksiyon sa pamahalaan na maaaring kinapapalooban ng nakapagdududang detalye. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit kinatatakutan nila ang pagsasabatas ng FOI bill.

Dahil dito, hindi maiiwasang sumulpot ang mga espekulasyon na ang mistulang pagpatay sa naturang panukala ay sinadya upang magpatuloy ang kasumpa-sumpang mga katiwalian na hanggang ngayon ay gumigimbal sa administrasyon. Nais ba nilang buhayin ang mga multong nilikha ng PDAF, DAP at iba pang mga alingasngas? Ito ba ang mga simulaing nais nilang ipamana sa sambayanang Pilipino? (CELO LAGMAY)