Ang koponan ng Pilipinas na dating kilala bilang Pacquiao PowerVit Pilipinas Aguilas ay tatawagin na ngayong Pilipinas MX3 Kings matapos na magkaroon ng bagong tagapagtaguyod ang MX3, isang natural food supplement na ipinamamahagi ng Living Tropical Fruiticeutical, Inc.
Pag-aari at pinamamahalaan ng Sports Legends Managers, Inc., sa pangunguna ng negosyanteng si Dick Balajadia, binago din ng koponan ang kanilang management.
Tumatayo na ngayon bilang team manager si dating Ateneo Blue Eagle na dating manager ng Pharex sa Philippine Basketball League (PBL) at ng Boracay Rum Waves at Tanduay Light sa PBA D-League.
Kinuha din nila si Philippine Basketball Association (PBA) legend at dating UAAP Commissioner Chito Loyzaga bilang Team Consultant.
Ang ngayo’y nag-iisang kinatawan ng bansa sa ASEAN Basketball League ay nauna ng pinangalanang Mindanao Aguilas, bago pinalitan ng Pacquiao PowerVit Pilipinas Aguilas, hanggang sa bitawan ito ni Pacquiao.
Kabilang sa mga manlalaro ng Pilipinas MX3 Kings ay sina dating PBA Best Import Arizona Reid, mga dating D-League stars Alli Austria at Jerramy King, mga dating PBA cagers Carlo Sharma, Sunday Salvacion, at Jondan Salvador.
Wala namang binanggit ang bagong pamunuan kung sino ang papalit bilang head coach ng koponan matapos na magbitiw bilang headcoach ang dating mentor nito na si dati ring PBA star Zaldy Realubit. (Marivic Awitan)