SA pagdiriwang ng kapistahan ng mga bayan sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Pilipinas ay bahagi na ang pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa mga tradisyong namana sa mga ninuno na nag-ugat na sa kultura ng mamamayan.

Kasama ang pagpaparangal sa kanilang patron saint na tagapamagitan nila sa pagtawag at pasasalamat sa Poong Maykapal. Karaniwan, bago sumapit ang araw ng sabay na kapistahan ng bayan at ng patron, nagdaraos sa simbahan ng siyam na gabing nobena-misa para sa patron saint.

Mababanggit na halimbawa ang bayan ng Angono sa Rizal na kilala bilang Art Capital ng Pilipinas at bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio San Pedro. Noong nabubuhay pa sina Francisco at San Pedro, matapat ang kanilang pakikiisa, paglahok at pagpapahalaga sa mga makulay at makahulugang tradisyon sa Angono.

Sa tuwing sasapit ang ika-14 ng Nobyembre sa Angono, Rizal, sinisimulan ang siyam na gabing nobena-misa para kay San Clemente bilang paghahanda at pagsalubong sa magkasabay na kapistahan ni San Clemente at ng Angono. Ang nobena-misa ay natatapos ng Nobyembre 22 na biperas ng magkasabay na kapistahan. Si San Clemente ang ikatlong Santo Papa ng Simbahan pagkatapos ni San Pedro.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang panahon ng kanyang pamumuno bilang Papa ay panahon ng simula ng paglago ng Simbahan. Ayon kay San Clemente, bagamat iba’t iba ang lahing pinagmulan, nagkakaisa tayo sa pananampalataya sa iisang Diyos at sa pag-ibig ng bawat isa. Si San Clemente ay inusig at ipinahuli ng paganong si Emperador Trajano.

Ipinatapon sa dagat ng Crimea at nilagyan ang kanyang leeg ng pabigat na angkla.

Ang nobena-misa para kay San Clemente ay dindaluhan ng mga taga-Angono na may panata at debosyon sa patron na nagpapasalamat sa mga natanggap na biyaya at natupad na kahilingan kay San Clemente. Ilan sa mga deboto ay mga estudyante sa Angono, iba’t ibang religious at civic organization at mga balikbayang taga-Angono. Ang mga paring nagmimisa sa siyam na gabing nobena ay mga taga-Angono at may kanya-kanyang parokya sa Diocese ng Antipolo.

Bahagi ng nobena-misa ang pag-awit ng choir ng “Dalit o Papuri kay San Clemente” Ganito ang simula ng Dalit: “MAPAGHIMALA KA NA SANTO PAPA’T MARTIR NI KRISTO” Sagot naman ng mga nakikipagnobena: “San Clemente, pakamtan mo sa amin ang iyong saklolo.”

Ito ay binubuo ng 11 saknong. Ganito ang unang saknong: “Ikaw ang hinirang ng Hari sa kalangitan, magkupkop nitong bayan, na Angono ang pangalan, uliran ka ngang totoo ng aasalin sa mundo,” At Sumasagot ang mga nakikipagnobena ng: “San Clemente, kamtan mo sa amin ang iyong saklolo.”

Matapos ang nobena-misa sa gabi, bilang pangwakas na awit-panalangin, sabay na inaawit ng choir at ng mga nakikipagnobena ang ‘Awit kay San Clemente’ na composition ni Maestro Lucio San Pedro. Ganito ang lyrics ng nasabing awitin. “San Clemente Papa’t Martir, ni Cristong Panginoon; aming isinasamo, pagpalain bayan namin. San Clemente, San Clemente, Awit nami’y dinggin, San Clemente, San Clemente, bayan nami’y ampunin”. (CLEMEN BAUTISTA)