BUTUAN CITY – Sinalakay ng hindi natukoy na dami ng armadong kalalakihan nitong Huwebes ang Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV) ng mga Lumad at sinilaban ang gusali ng mga guro sa bulubunduking barangay ng Padiay sa Sibagat, Agusan del Sur, iniulat sa pamahalaang lungsod ng Butuan kahapon.

Ayon sa report, naabo ang lahat ng libro, school supplies, imbak na pagkain, kabilang ang mga bigas, makinang panahi, generator set, laboratory equipment at mga gamit sa kusina.

Nangyari ang insidente dakong 2:00 ng umaga nitong Huwebes.

Walang napaulat na nasaktan sa insidente.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Habang sinusulat ang balitang ito, inaalam pa ng mga tauhan ng Agusan del Sur Police Provincial Office (PPO) at 401st Infantry (Unite N’ Fight) Brigade ng Philippine Army ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa insidente, kasabay ng pag-uutos ng malawakang pagtugis sa mga salarin.

Batay sa record ng pulisya at militar, ang pagsunog sa nasabing gusali sa ALCADEV sa Padiay ay pangalawang pangyayari na sa Caraga region. Ang unang pagsunog sa nasabing gusali sa paaralang Lumad ay nangyari sa Sitio Anhayan sa Bgy. Diatagon, sa Lianga, Surigao del Sur, nitong Setyembre 1, 2015.

Ang ALCADEV ay isang alternative learning system na idinisenyo para magkaloob ng edukasyong sekundarya sa kabataang katutubo, kabilang ang mga Manobo, Banwaon, Higanon, Talaandig, at Mamanwa ng Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan Norte at Agusan del Sur.

Samantala, isa pang Lumad mula sa tribung Manobo ang napatay dakong 4:00 ng umaga nitong Miyerkules ng mga hindi nakilalang armadong lalaki sa Bgy. Bolho-on sa San Miguel, Surigao del Sur, iniulat ni Rico Magha, pinuno ng Manobo sa San Miguel.

Ayon kay Magha, dinukot si Orlando Raboca, 31, ng mga armadong lalaki mula sa kanyang bahay sa Sitio Bolho-on at makalipas ang ilang oras ay natagpuang patay ng mga residente. (MIKE U. CRISMUNDO)