Matapos makumpleto ng Department of Justice (DoJ) ang imbestigasyon sa reklamong kriminal na inihain ng isang pinatalsik na ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) laban sa ilang opisyal ng sekta, naniniwala ang isang eksperto sa batas na maaabsuwelto ang mga inakusahan dahil sa kawalan ng ebidensiya.
Naniniwala si Atty. Sigfrid Fortun, na kilala sa paghawak sa mga high-profile na kaso, na ibabasura lang ng korte ang mga kasong harassment, illegal detention, threats at coercion na inihain ni dating INC minister Isaias Samson, Jr. laban sa mga miyembro ng Sanggunian ng INC.
Ito ay sa kabila ng kabiguan ng mga leader ng INC na sumipot sa imbestigasyon ng DoJ.
Iginiit ni Fortun na puro lang palamuti at kulang sa laman na sana’y magpapalakas sa reklamong kriminal ang ipinaiiral ng kampo ni Samson.
Aniya, marami rin umanong butas ang reklamo na inihain ng pinatalsik na ministro ng sekta.
“Tulad ng aking hinala, mahina ang kaso laban sa liderato ng INC, kaya malaki ang posibilidad na ibabasura lang ng korte ng reklamo,” saad ni Fortun.
“There may have been a failure to pinpoint the ultimate facts that establish probable cause for the criminal offenses Mr. Samson was complaining about. That’s what’s vital for their case to prosper,” paliwanag ng abogado.
Mayroon din aniyang alegasyon na tinangay ang cell phone at computer ni Samson, subalit wala namang inihaing kaso ng theft o robbery.
Sa isyu ng paglulustay ng pondo ng INC, iginiit din ni Fortun na wala ring inihain na kasong estafa laban sa liderato ng sekta. (Leonard D. Postrado)