Inihayag ng Department of Health (DoH) nitong Huwebes na ang kabuuang kaso ng dengue sa bansa ay umaabot na ngayon sa 125,000, tumaas ng mahigit 40 porsyento kumpara sa mga kasong naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa nationwide data kamakailan mula sa Epidemiology Bureau ng DoH, may kabuuang 124,728 kaso ng dengue ang naitala mula Enero 1 hanggang Oktubre 17 ngayong taon.
Ipinakita sa data ang 40.3 porsyentong pagtaas sa bilang ng mga kaso ng dengue, kumpara sa mga pigura sa parehong panahon noong nakaraang taon na 88,898 kaso.
Ang limang rehiyon na may pinakamataas na kaso ng dengue ay kinabibilangan ng Central Luzon na may 21,462 kaso mula 8,597 noong 2014; CALABARZON na may 20,884 kaso mula sa 8,290; National Capital Region na may 15,041 kaso mula sa 5,178; Ilocos Region na may 10,331 kaso mula sa 5,139; at Cagayan Valley na mayroong 7,636 mula 2,609.
Ang lahat ng rehiyong ito, maliban sa Cagayan Valley, ay nagtatala ng pinakamataas na bilang ng mga kaso nitong mga nakalipas na buwan.
Nananawagan si DoH spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy sa publiko na tulungan ang mga awtoridad sa paglaban sa dengue.
“We appeal to the public, we cannot control dengue if we would not take responsibility. No matter how many interventions we do, fumigation for instance, we will continue to have a problem if you did not help us,” diin niya.
(PNA)