BINATIKOS ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa plano nitong magkaloob ng P4,000 sa bawat isa sa 4,071 pamilyang walang bahay sa Metro Manila upang makaupa ng matutuluyan sa susunod na anim na buwan hanggang isang taon. Layunin nitong itaboy sila mula sa kalsada sa buong panahon ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) conference na idaraos dito sa susunod na linggo.

Ang hakbangin ay bahagi ng mga pagsisikap upang mas maging kumportable ang mga delegasyon, na pangungunahan ng 21 presidente o prime ministers ng mga ekonomiya ng APEC. Ito rin ang dahilan kaya sinuspinde ng gobyerno ang trabaho at mga klase sa Metro Manila sa loob ng anim na araw, upang maibsan ang pagdurusa sa trapiko sa Kamaynilaan.

Nagtalaga rin ng mga special lane para sa mga delegado. Nag-organisa rin ng mga konsiyerto, hapunan at iba pang pagtitipon.

Dinoble ang seguridad, natriple pa nga. Kung nangamba tayo para sa kaligtasan ng ating kapita-pitagang bisita na si Pope Francis noong Enero, mas marami tayong inaalala ngayon dahil 21 leader ng mundo ang dadating, kabilang sina United States President Barack Obama, at China President Xi Jinping, na magtitipun-tipon sa Philippine International Convention Center.

Kung may puna man na kailangang iparating, hindi ito tungkol sa ginagawa ng DSWD—na hinihiling sa mga pamilyang walang tirahan na manuluyan pansamantala sa isang disenteng lugar sa buong panahon ng APEC conference. Sa halip, ito ay ang pagtugon lang ng gobyerno sa pangangailangan ng mga pamilyang walang tirahan tuwing may espesyal na okasyong gaya nito.

Bakit tuwing ganitong panahon lamang napapansin ang kawalan ng disenteng tirahan ng mahihirap na Pilipino, gayong matagal na sila sa kalagayang ito? Maraming pamilyang walang tirahan ang natutulog sa gilid ng Roxas Boulevard pagsapit ng gabi. Wala silang mga bahay, dahil wala silang trabaho. Problema lamang ba ito ng gobyerno? O responsibilidad din na dapat na pagtulung-tulungan ng mga lokal na pamahalaan?

Ang lahat ng ito ay bunsod ng problema sa kahirapan, na paulit-ulit nang natukoy sa mga opinion survey bilang pangunahing suliranin ng mamamayan sa bansang ito. Direkta itong nakaugnay sa kawalan ng sapat na hanapbuhay.

Ayon sa huling survey Social Weather Stations (SWS), 23.7 porsiyento ng mga Pilipinong nasa edad para mag-hanapbuhay, edad 18 pataas, ay walang trabaho. Nasa 10.2 milyong katao ito.

Mainam na mayroon tayong kapuri-puring Gross Domestic Product (GDP) na 5.6 na porsiyento, ngunit malinaw na walang epekto sa masa ang sumisiglang ekonomiya. Kaya naman may mga panawagan para sa isang mas “inclusive progress” sa pamamagitan ng mas maraming development sa agrikultura, na inaasahan ng karamihan sa mga Pilipino, at sa mga industriyang magkakaloob ng mas maraming trabaho.

Inaasam natin na darating ang panahon na nag-uumapaw na ang kaunlaran ng ating ekonomiya kaya nararamdaman na ito sa pinakamababang antas ng ating lipunan. Kapag nangyari ito, hindi na kailangang isa-isahing tulungan ng DSWD ang maraming pamilyang walang tirahan tuwing may mahahalagang personalidad na bibisita sa ating bansa.