Bunsod ng matinding depresyon nang mawalan ng trabaho dahil nagsara na ang karinderya na kanyang pinagtatrabahuhan, ninais na lang ng isang ginang na tapusin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng lason sa San Carlos City, Pangasinan.

Kinilala ang biktima na si Marites Umagtan, 38, ng Nagsaing, Calasiao, Pangasinan.

Base sa ulat ng San Carlos City Police Station, natagpuan ang malamig na bangkay ni Umagtan sa loob ng karinderya sa Barangay Rizal Avenue, San Carlos City, na kanyang dating pinagtatrabahuhan dakong 7:00 ng gabi noong Martes.

Ayon sa asawa ng biktima na si Jimmy Umagtan, labis na ikinalungkot ng kanyang asawa ang pagkakasara ng karinderya kaya nagpatiwakal ito.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Aniya, umalis si Marites sa kanilang bahay dakong 5:00 ng umaga upang magtrabaho bilang tagaluto sa karinderya.

Subalit pagsapit ng 7:00 ng gabi, nang sunduin ng kanilang anak na si Jennilyn, 17, natagpuan ang biktima na nakaratay sa isang sofa na wala nang pulso.

Narekober ng mga imbestigador ang isang bote ng soft drinks na posibleng hinaluan ng biktima ng lasong kemikal na kanyang ininom upang tuldukan ng kanyang buhay. (Leizle Basa Iñigo)