Mga laro ngayon sa De La Salle Sentrum, Lipa City

1 pm -- Petron vs Foton

3 pm -- Meralco vs RC Cola-Air Force

Inaasahang magkakasukatan ng lakas at tibay ang dalawang pinakamainit na koponan na Foton Tornadoes at ang nagtatanggol na kampeong Petron Blaze Spikers sa tampok na salpukan sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball na isasagawa sa De La Salle-Lipa Sentrum sa Lipa City, Batangas.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Agad pag-iinitin ng Tornadoes ang unang laro sa ganap na ala-una ng hapon sa paghahangad nitong masungkit ang ikaanim na sunod na panalo sa hinahangad nitong paghihiganti kontra Blaze Spikers na pilit iuuwi ang ikaapat nitong sunod na panalo sa loob ng siyam na laban.

Sunod na magsasagupa naman ang mga napatalsik nang koponan ng RC Cola-Air Force Raiders at Meralco Power Spikers na tanging nakataya ang prestihiyo at karangalan na makapagtipon ng panalo sa torneo na sinusuportahan ng Asics katulong ang Milo, Senoh, Mueller at Mikasa bilang technical partner.

Hindi pa nakakalimutan ng Foton ang humulagpos sa mga kamay nitong panalo sa kanilang unang paghaharap ng Petron noong Oktubre 15 na inabot ng limang laro kung saan itinakas ng 2-time champion na Blaze Spikers ang 21-25, 25-20, 25-13, 12-25 at 15- 9.

“We still have many secrets to reveal,” sabi ni Foton Tornadoes import Kattie Messing na makakasama ang nagpapakita din ng matinding depensa na si Lindsay Stalzer. “Our team is just getting into our top shape and we believe we still have a lot to show,” sabi pa ni Messing sa Tornadoes na hindi pa natatalo sa ikalawang round.

“We are ready to face anybody. We treat them equally. Walang pwedeng balewalain,” sabi naman ni Foton coach Villet Ponce-de Leon. “We’re still in full force and we are ready to go all out in our last few games in the eliminations.

We need to close the eliminations with a win so the team will be positive in the semis.”

Maliban kina Stalzer at Messing, nag-aalab din ang pagnanais ng pinakamatangkad na manlalaro sa liga na si Jaja Santiago na inaasahang makakatapat ang kanyang nakatatandang kapatid na si Dindin sa tampok na paghaharap ng mga pinakamatitinding manlalaro sa middle position.

Sariwa pa din si Jaja sa pagtatala ng kabuuang 15-puntos mula sa 10 kills at 5 block para sa Foton na pinatalsik ang RC Cola-Air Force na pinamumunuan ni Puerto Rico national team member Lynda Morales at Kansas University star Sara McClinton noong Huwebes, , 25-21, 25-21 at 25-19.

Sasandigan naman ng Petron ang solidong kumbinasyon nina Dindin Manabat, Aby Marano at Rachel Anne Daquis pati na ang karanasan matapos na makapaglaro sa AVC Asian Women’s Club Championship upang agawin muli ang pagkapit sa liderato.

Nahulog ang Petron sa ikatlong puwesto sa kabuuan nitong 6-2 panalo-talong marka, na kalahating laro naiwanan ng nagpapakitang gilas na Philips Gold na sinolo ang liderato sa 7-2 kartada patungo sa pinakrusyal na yugto ng double-round na eliminasyon.

Kasalukuyang magkasalo ang Foton at Cignal sa bitbit na 6-3 kartada bagaman inokupahan ng Tornadoes ang ikalawang puwesto bunga ng mas mataas nitong puntos sa mga napapanalunan nitong sets kada laban.

“It’s anybody’s ballgame,” sabi naman ni Petron coach George Pascua, ang dating spiker ng Far Eastern University at miyembro ng national team na hangad ang ikatlong sunod na titulo para Blaze Spikers.

“The semifinals is just a one-game affair; one miss and you die. That’s why we need to win our last two games (against Foton and Philips Gold) to gather enough momentum for the semis. We can’t think of the semis right now. Our focus still remains on the elimination round,” sabi pa nito.

Base sa format ng liga ay haharapin ng mangunguna sa eliminasyon ang ikaapat na puwesto habang ang ikalawang puwesto ay sasagupain ang nasa ikatlo sa isang laro, kill-or-be killed na semifinals sa susunod na linggo.

Ang dalawang magwawagi sa semis ay maghaharap sa best-of-three titular showdown simula Nobyembre 26. (ANGIE OREDO)