Ang sampung bansa, kabilang ang Pilipinas na naghahangad na maging punong-abala sa tatlong Olympic Qualifying Tournaments (OQT) sa Hulyo 2016 ay kinakailangang maghintay hanggang Enero upang madetermina kung sino ang napili at nabigyan ng International Basketball Federation (FIBA) ng hosting rights.

Ito’y matapos na ipabatid ng FIBA Executive Committee sanhi umano ng “technical reasons” sa mga national federation ng sampung bansang nabanggit na hindi matutuloy ang nakatakda nilang pagdedesisyon sa Nobyembre 23 kung sino ang mga magiging host ng 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournaments.

Nagpadala ng liham sa mga presidente at secretary generals ng mga national federation ng Czech Republic, Germany, Greece, Iran, Israel, Italy, Mexico, Serbia, Turkey at Pilipinas si FIBA secretary-general Patrick Baumann.

Nag-iwan ang FIBA ng tatlong slot para sa entry sa Olympic Games sa Rio de Janeiro sa Agosto 2016 sa pamamagitan ng pag-aanunsiyo ng tatlong OQT na magkakasabay na idaraos sa Hulyo kung saan ang magkakampeon ang siyang magkakaroon ng slot sa quadrennial sports conclave.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Isina-isantabi ang pagkatalo ng Gilas Pilipinas sa nakaraang FIBA Asia Championships sa China, ang Olympic qualifier sa Asia, nagsumite noong Nobyembre 11 ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pamamagitan ng pangulo nito na si Manny V. Pangilinan ng mga kaukulang requirement sa FIBA headquarters sa Geneva upang makuha ang karapatang maging host ng isa sa mga OQT.

Bunga ng pagkaka-urong ng desisyon ng FIBA sa Enero 19, 2016, tiyak na ring mauurong ang nakatakda sanang QQT Draw sa Nobyembre 24, 2015 sa Enero 26, 2016.

“You will get confirmation of the programme very soon,” ani Baumann,.

Lahat ng bids ay sasalang sa evaluation hanggang sa katapusan ng 2015 bago isiwalat ng FIBA ang mga napiling bansa.

(MARIVIC AWITAN)