HINDI overnight lang na binuo at matagal na palang nakapila ang Dance Kids para ipalabas ng ABS-CBN.
Pero dahil sa The Voice Kids at Your Face Sounds Familiar na inaabangan ng tao, kailangang isantabi muna ang Dance Kids.
‘Tapos biglang pumasok ang Celebrity Playlist para naman sa mga naging produkto ng YFSF season one na walang regular show at sayang naman ang talent nila, ayon naman sa taga-production na nakausap namin.
At nang matapos na ang The Voice Kids 2, pumasok kaagad ang Your Face Sounds Familiar 2 at isinabay pa ang PBB 737 na parehong mataas ang ratings, kaya talagang waiting galore ulit ang Dance Kids.
Finally, nagbabu na sa ere ang PBB 737 kaya may bakanteng slot at dito na ipapasok ang Dance Kids na mapapanood na ngayong gabi, simula 6:15 PM at bukas ay mapapanood naman ng 6 PM.
Ayon kay Kane Choa, head ng corporate communications, “Para magkaroon naman ng chance ang ibang kids na ang pagsasayaw naman ang talent nila at hindi lang ‘yung puro kanta, kasi meron na tayo nu’n, di ba, sina Lyka (Gairanod) at Elha (Nympha), so dito naman tayo sa pagsasayaw.”
Magpapabilib sa sayawan ang iba’t ibang solo, duo, at group dance artists mula apat hanggang 12 taong gulang.
Sasabak sa ‘tryouts’ ang 60 acts na hahatiin sa dalawang teams sa ilalim ng dalawang dance celebrities.
Sa ‘tryouts,’ sasalain sila ng Dance Masters na sina Georcelle Dapat-Sy, Andy Alviz, at Vhong Navarro na pawang respetadong pangalan sa pagsayaw sa Philippine entertainment. Para makalusot dito, kailangang mapa-“stomp” nila ang tatlong Dance Masters.
Fourteen years old nang unang mapanood na sumayaw sa TV si Teacher Georcelle, at kinalalunan ay naging miyembro ng Hotlegs. Noong 2004, itinatag niya ang hinahangaan ngayong G-Force. Napapanood din si Teacher Georcelle bilang dance mentor sa Your Face Sounds Familiar.
Batikang choreographer din si Andy Alviz bukod pa sa pagiging artistic director at musikero. Naging resident choreographer si Andy para sa mga lokal na produksiyon ng Miss Saigon at sa Kapamilya shows gaya ng ‘Sang Linggo nAPO Sila at ASAP.
Siya rin ang nagtayo ng Whiplash Dance Company, ang isa sa mga pinakakilalang jazz dance groups sa bansa, at nakilala sa pagdirek at pagprodyus ng musicals at albums na itinataguyod ang kultura ng Pampanga na pinagmulan niya.
Kilalang aktor, komedyante, at host si Vhong Navarro, na bago nakilala ay miyembro ng grupong Streetboys. First love niya ang pagsasayaw na siyang nagpasok sa kanya sa showbiz. Excited siyang magbahagi ng kanyang kaalaman at experience sa pagsasayaw sa Dance Kids.
Sina Robi Domingo at Alex Gonzaga ang hosts ng show. (REGGEE BONOAN)