Nanatiling pangarap na lamang ang pagnanais ng Azkals Philippine Football Team na makatuntong sa World Cup matapos makalasap ng matinding dagok kontra Yemen, 0-1, sa ginaganap na FIFA World Cup qualifying Group H match Huwebes ng gabi.
Ginulantang mismo ng bumibisitang Yemenis sa sarili nitong lugar ang Azkals matapos patahimikin ang host sa tangi nitong goal sa halos papatapos na yugto ng labanan sa Rizal Memorial Stadium.
Habang kumpiyansa na matatapos na lamang sa tabla ang laban ay isinagawa ni Al Sarori ang nakagigimbal na goal para sa bumisitang Yemen matapos na samantalahin ang pagkulapso sa depensa at palampasin ang bola mula sa pagbabantay ni goalkeeper Roland Mueller sa ika-83rd minuto.
Isang malaking dagok ang kabiguan sa Pilipinas lalo pa na kailangan nitong ipanalo ang lahat ng natitira nitong laro sa ikalawang round kabilang ang kontra sa Yemen upang agawin ang silya sa susunod na round ng qualifier.
Nakapaghiganti din ang Yemen kontra sa Azkals na nagpalasap dito ng kabiguan sa laban na ginanap sa Qatar noong Hunyo sa pag-iskor ng dalawang goal.
Hindi nakapaglaro sa Pilipinas si Phil Younghusband na nakakuha ng yellow card kontra Uzbekistan at Bahrain pati na rin si Luke Woodland na hindi pinayagan ng panibago nitong koponan na Chester Football Club.
Naiwan ang Azkals sa ikatlong puwesto na mayroon lamang na pitong puntos at nangangailangan ng dalawang mirakulo upang maagaw ang top two sa Group H. Kailangan nitong talunin ang Uzbekistan at North Korea na may maraming goals.
(ANGIE OREDO)