ZAMBOANGA CITY – Nagsanib puwersa ang pitong lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) na may bitbit na tig-250 armadong tauhan upang tapatan ang puwersa ng pamahalaan na nagsasagawa ng operasyon sa mga bandido sa Patikul, Sulu kung saan pinaniniwalaang dito nito itinatago ang apat na banyaga at dalawang Pinoy na kanilang dinukot.
Ayon sa ulat ng militar, pinapalakas ng pitong grupo ng ASG ang kanilang puwersa bilang paghahanda sa isasagawang rescue operation ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga dinukot na biktima na sina John Ridsdel at Robert Hall, kapwa Canadian; KjartanSekkingstad, isang Norwegian; at isang Pinoy na si Marites Flor na dinkukot sa Samal Island kasama ang Dutch na si Ewold Horn at Filipino-Chinese na si Yahong Lim Tan.
Nakasaad din sa military report na nagsama-sama ang pitong grupo sa isang kampo sa isang masukal na lugar sa Sitio Tobeg Angelan, Barangay Darayan, Patikul.
Tumatayong overall leader ng pitong paksiyon si Radulah Sahiron na may 45 armadong tagasuporta kasama si ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan na mayroong 85 tauhan.
Ang iba pang ASG sub-leader ay sina Hairula Asbang, Asaral Sali, Allung Abtahe, Latip Ladja, at Muamar Askali.
Nitong Miyerkules, namataan ng mga residente ang grupo nina ASG sub-leader Julhajan Aksan at Mujakal Bagade sa Sitio Minul, Barangay Bud Taran sa Indanan, Sulu.
Napag-alaman din ng militar na binayaran ang bawat miyembro ng pitong ASG leader ng P150,000 habang ang dalawang leader ng grupong bandido ay nakatanggap ng P500,000 bilang kanilang parte sa P30-milyong ransom na ibinayad sa pagpapalaya ng Chinese-Malaysian trader na si Thien Nyuk Fun sa Indanan, Sulu noong Nobyembre 8. (NONOY E. LACSON)