Naaalarma si presidential candidate Senator Grace Poe sa pagtaas ng huling survey na umabot na sa 15.7 % o 3.5-milyon ang pamilyang Pilipino na nakararanas ng matinding gutom sa huling bahagi ng taon.

Sa isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS) noong Setyembre 2 hanggang 3, 2015, na mataas pa sa unang bahagi ng taon na nasa 13.5% ang pamilyang Pilipino na nakararanas ng kagutuman.

Ang Mindanao ang may naitalang pinakamaraming bilang na umaabot sa 1.1-milyon o 21.7%.

“Nakalulungkot na ang Mindanao ang nagtala ng pinakamataas na insidente ng kagutuman. Sa kasawiang-palad, ito rin ang rehiyon sa bansa na may pinakamataas din na insidente ng karalitaan ayon sa datos ng National Anti-Poverty Commission on NAPC,” paliwanag ni Poe.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Ayon pa kay Poe, nangangahulugan lamang na hindi talaga sapat ang tulong ng gobyerno sa nabanggit na rehiyon. Ang kakaiba sa bagay na ito, nangyayari ang lahat ng ito samantalang mataas ang paglago ng ekonomiya. Patunay lamang umano ito na talagang hindi ‘inclusive’ o marami pa ring naiiwan sa ating mga kababayan kahit na sabihin pang gumaganda ang lagay ng ekonomiya ng bansa.

Bagamat nakararanas ang Timog Silangang Asya ng pagbagal ng ekonomiya, sinasabing nananatiling malusog ang ekonomiya ng Pilipinas na tumaas sa 5.6 porsiyento sa ikalawang bahagi ng taon.

Aniya, ang naturang paglago ng ekonomiya ay marapat na nararamdaman din ng mga nasa “ibaba” kung totoo ngang may paglagong nagaganap.

“Hindi talaga nakatutulong ang sinasabing paglago ng ekonomiya ng bansa. Dapat, ang programa ng gobyerno, lahat ay kasama at dapat tumatagal. Maganda ang Conditional Cash Transfer o CCT, pero hanggang kailan ito tatagal?” pahayag ni Poe.

Iminungkahi ni Poe na rebisahin ang CCT para maisama rito ang programang pangkabuhayan para sa mga pamilyang Pilipino at skills training sa mga kabataan.

Aniya, ang cash grant ay dapat nagpapatatag sa kabuhayan ng mga pamilya hanggang sa punto na kaya na ng mga ito na mamuhay ng disente kahit hindi na direktang tumatanggap ng tulong mula sa pamahalaan. (Leonel Abasola)