DAVAO CITY – Labing-isang katao ang dinukot ng hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) nitong Martes ng hapon sa Barangay Daliaon, Toril, sa lungsod na ito.
Ayon sa report ng Davao City Police Office (DCPO), ang mga biktima ay pawang empleyado ni 3rd District Rep. Isidro Ungab at nagtatrabaho para sa isang water system project sa lugar nang puwersahan silang tangayin ng mga rebelde.
“Pinalaya rin sila ng mga rebelde makalipas ang 24 oras,” sinabi ni Chief Insp. Milgrace Driz, tagapagsalita ng DCPO, kahapon ng umaga.
Sinabi ni Driz na nagsasagawa pa ang pulisya ng imbestigasyon sa motibo sa pagdukot sa mga manggagawa.
Ayon kay 10th Infantry (Agila) Division chief information officer Captain Rhyan Batchar, nagpakalat na sila ng karagdagang tropa mula sa 84th Infantry Battalion sa lugar, at nanindigang ang NPA ang nasa likod ng pagdukot.
Batay sa report ng awtoridad, ang grupo ng mga suspek ay pinangunahan Danilo at Almira Rosete, habang kinilala naman ng mga testigo ang iba pang miyembro ng grupo na sina Danny Diarog, Jovy Diarog at Josephine Entero.
Nasa 60 armadong rebelde ang dumukot sa mga manggagawa at dinala ang mga ito sa Sitio Katkat sa Barangay Tungkalan simula noong Martes ng hapon, hanggang pinalaya noong Miyerkules ng hapon.
Walang nasaktan sa mga biktima, ayon pa sa report. (Alexander D. Lopez)